September 28, 2024

2 huli sa aktong bumabatak ng shabu sa Valenzuela

SHOOT sa kulungan ang isang welder at construction worker matapos mahuli sa akto ng mga pulis na sumisinghot ng shabu sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Police Sub-Station 6 Commander P/Cpt Manuel Cristobal ang naarestong mga suspek na sina Eduardo Berueto, 48, welder at Jasper Millario, 27, construction worker, kapwa ng Brgy. Veinte Reales.

Sa report ni PCpl Pamela Joy Catalla kay Valenzuela police P/Col. Salvador Destura Jr, habang nagsasagawa ng police visibility patrol ang mga tauhan ng SS6 sa pangunguna ni PSMS Roberto Santillan, kasama sina PSSg Ricardo Santos Jr at Pat Leonardo Quimson nang may lumapit na concerned citizen at inireport sa kanila ang hinggil sa dalawang lalaki na nagsasagawa umano ng potsession sa Block 6, C. Molina Street.

Kaagad pinuntahan ng mga pulis ang nasabing lugar kung saan naaktuhan nila ang mga suspek na sumisinghot ng shabu sa loob ng isang bahay dakong alas-11:50 bago magtanghali.

Pinosasan ng mga pulis ang mga suspek at nakumpiska sa kanila ang limang small transparent plastic sachets na naglalaman ng nasa 1 gram ng hinihinalang shabu nasa P6,800 ang halaga, isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng shabu at mga drug paraphernalias.

 Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.