December 21, 2024

2 durugista dinampot sa P.1 milyon shabu sa Malabon

SWAK sa kalaboso ang dalawang bagong identified drug pushers matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong mga suspek na sina Dante Dasmariñas, 19 ng Block 9, Hiwas Street, Brgy. Longos at Jofer Dela Cruz, 31, fish port porter ng Block 2D, Lot 27, Phase 3E-1, Dagat-Dagatan, Caloocan City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director PBGen Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Col. Daro na nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PCpt Alexander Dela Cruz ng impormasyon hinggil sa illegal drug activities ng mga suspek.

Dakong alas-6:20 ng gabi nang ikasa ng mga operatiba ng SDEU ang buy bust operation sa Hiwas Street, Brgy. Longos na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek matapos bentahan ng P4,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang pitong pirasong heat sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng aabot 19 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price value Php129, 200.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at apat pirasong P1,000 boodle money at coin purse.

Nahaharap ang  mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.