January 19, 2025

2 drug suspects nadakma sa Malabon buy bust

SWAK sa selda ang dalawang bagong identified drug personalities matapos makuhanan ng mahigit P70K halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong mga suspek na sina Darwin Desierto, 42, tricycle driver ng Pauligas St., Brgy. 31, Maypajo, Caloocan City at Rodolf John Villaluna, 32, waiter ng Dulong Herrera St., Brgy. Ibaba.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director PBGen Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Col. Daro na dakong alas- 11:45 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PCpt Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa General Luna, Brgy., San Agustin, matapos ang natanggap na impormasyon na nagbebenta ng shabu si Desierto.

Nagawang makipagtransaksyon ng isang undercover police kay Desierto ng P500 halaga ng shabu at nang tanggapin nito ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba, kasama si Villaluna.

Ani PMSg Randy Billedo, nakumpiska sa mga suspek ang limang heat sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng aaabot 11.00 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) value ng P74,800.00, at buy bust money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.