December 25, 2024

2 DALAGITA NASAGIP SA KAMAY NG BINATILYONG BUGAW

NAGAWANG ma-rescue ng pulisya ang dalawang menor-de-edad na dalagita na ibinubugaw ng isang binatilyo sa kanyang mga parokyano sa isinagawang entrapment operation sa Malabon City.

Hindi na pinangalanan ni Malabon City police chief P/Col. Albert Barot ang dinakip na 16-anyos na binatilyong tubong Catbalogan, Samar at naninirahan sa Bagong Barrio, Caloocan City, pati na ang mga nasagip na 17-anyos na out-of-school-youth at ang 16-anyos na estudyante sa Grade 7 na kapuwa ibinubugaw sa mga lalaking naghahanap ng panandaliang aliw.

Sa ulat na tinanggap ni Col. Barot, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Malabon Sub-Station 1 noong Linggo ng gabi kaugnay sa ginagawang pagbebenta ng aliw ng dalawang dalagita na ang ginagawang tambayan ay sa loob ng isang bantog na fast food restaurant sa kanto ng McArthur Highway at Lanzones St. sa Brgy. Potrero.

Gayunman, nang magtungo ang mga pulis sa naturang fast food restaurant, wala silang inabutang mga nakatambay na kababaihan kaya’t ipinasa nila ang impormasyon sa tanggapan ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Malabon police station.

Sa ginawang follow-up operation, nagpanggap na customer ang dalawang tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1 na kunwa’y naghahanap ng mga kababaihang nag-aalok ng panandaliang aliw habang naka-antabay na sa loob ng sikat na fast food restaurant ang mga tauhan ng WCPD  at Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) na silang dumakip sa binatilyo matapos tanggapin ang markadong salapi na may kabuuang P6,000.00 kapalit ng dalawang babaing kanyang ibinubugaw.  Nasagip din ng pulisya ang dalawang menor-de-edad na dalagita na kaagad isinailalim sa pangangalaga ng City Social Welfare and Development Department (CSWDD) ng Malabon City habang nasa protective custody na rin ng naturang tanggapan ang naarestong binatilyo matapos iprisinta sa piskalya para sa inquest proceeding kaugnay sa kasong paglabag sa R.A. 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 na kanyang kakaharapin.