
BACOOR CITY, CAVITE— Arestado ang dalawang Chinese nationals matapos tumakas sa checkpoint operation ng mga pulis sa Brgy. Bayanan, Bacoor City, Cavite madaling araw ng Linggo.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Huang,” 27 taong gulang, pansamantalang naninirahan sa Lions Tower, Taft Avenue, Pasay City, at si alyas “Zhao,” 29 anyos, residente ng Marina Seaview Residences Project sa Brgy. Tambo, Parañaque City.
Ayon sa ulat ng Bacoor Component City Police Station, nagsasagawa umano sila ng Oplan Sita checkpoint sa Daang Hari Intersection nang parahin ang isang violet RAM pick-up na may improvised plate number na “SKY6666” para sa visual inspection. Subalit sa halip na huminto, agad tumakas ang naturang sasakyan dahilan upang habulin ito ng mga awtoridad.
Nagkaroon ng matinding habulan hanggang sa makorner ang sasakyan sa kahabaan ng NOMO Road. Muli pang tinangka ng mga suspek na tumakas, ngunit agad ding naaresto ng mga pulis.
Nasamsam mula sa mga suspek ang mga sumusunod:
- Isang Bersa Thunder 380 na baril na may lamang magazine at apat na bala
- Tatlong kahon o 60 rounds ng 5.56mm ammunition
- 45 piraso ng 9mm live ammunitions
- Dalawang rifle scopes
- Isang Gucci wallet na may mga personal ID at credit card
- Pitong iPhones at dalawang Android cellphones
Ayon kay PRO 4-A Regional Director Police Brigadier General Paul Kenneth T. Lucas, kakasuhan ang dalawang dayuhan ng paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kaugnay ng Comelec gun ban sa ilalim ng Omnibus Election Code.
Patuloy ang imbestigasyon sa posibleng mas malalim pang koneksyon ng dalawang banyaga sa iligal na aktibidad. (Ulat nina Koi Hipolito at Erichh Abrenica)
More Stories
Legends”Bata” Reyes at Marlon ” Marvelous” Manalo… BILIB SA BILYARISTANG MANDALEÑO
Pia Cayetano misyong palaganapin ang sport na padel sa buong bansa
Palasyo: Mas mataas na ranking ng Pilipinas sa Press Freedom Index, patunay na hindi diktador si Marcos Jr.