November 16, 2024

2 BILIBID GANG COMMANDER SINAKSAK NI BANTAG

Magsasampa ng kaso ang dalawang lider ng gang sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa laban kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag matapos umano silang saksakin nito noong Pebrero 21.

Ayon kay BuCor Officer-in-Charge Gregorio Pio Catapang Jr., hihilingin niya sa Commission on Human Rights (CHR) na tulungan ang dalawang gang leader na sina Jonathan Canete ng “Batang Cebu” gang at Ronald Usman of “Batang Mindanao” gang.

“Importante talaga human rights,” giit ni Catapang na siyang nagpresenta sa dalawang PDLs na umaming sinaksak sila ni Bantag.

“Kahit mga PDLs ‘yan, may karapatan sila, hindi sila pwede saktan,” saad ni Catapang, na dating chief of staff ng Armerd Forces of the Philippines.

Isinalaysay ni Usman at Canete sa mga mamamahayag ang kanilang sinapit sa kamay ni Bantag.

“Magsasampa na ako kasi yung kamay ko po wala na e naparalyze na e,” saad ni Usman.

Ipinakita pa nito sa mga mamamahayag ang kanyang gitnang daliri sa kanang kamay na hindi na magalaw dahil sa ginawang pananaksak ni Bantag ng double-edged bladed weapon.

Ipinakita naman ni Canete ang peklat sa kanyang kaliwang hita na sinaksak ni Bantag gamit ang kris, isang asymmetrical bladed weapon.

Kasama ng dalawang PDL ang abogadong si Hermilo Barrios nang ikuwento nila sa mga mamamahayag ang nangyari sa kanila noong Pebrero 1.

Pareho nilang sinabi na bandang alas-11:30 ng umaga noong Pebrero 1 nang ipatawag ni Bantag ang 13 lider ng gang kabilang sila para pag-usapan ang pagtakas noong Enero 17 ng apat na bilanggo ng NBP. Dalawa sa mga nakatakas ay nananating nakalaya habang ang dalawa pa ay napatay ng mga tumutugis sa kanila.

“Lasing na lasing po siya noon,” saad ni Usman.

Sinabi nina Usman at Canete na nag-iinom ng alak si Bantag sa loob ng kanyang opisina nang sila ay ipatawag.

Anila pa, naroroon dina ang dalawang armadong security personnel at si Bucor Deputy Security Officer Ricardo Zulueta. Si Zulueta ay co-respondent ni Bantag sa dalawang murder complaint na inihain sa Department of Justice (DOH) sa pagpaslang sa broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa at NBP inmate na si Cristito Villamor Palana, na kilala bilang Jun Villamor.

 “Pag-upo po namin tumayo siya agad tapos kinuha po yung samurai. ‘Yun na inumpisahan na po kami saktan isa-isa.

Bagama’t naroon ang ibang gang leader, sinabi ni Usman na tanging siya at si Canete lang ang sinaksak ni Bantag gayung wala namang ginagawang masama ang kanilang grupo para ikagalit ni Bantag.

Ayon kay Canete, una siyang nilapitan ni Bantag.

“Nung una pinupunit niya ang damit ko dito,” saad ni Canete kung saan tinutukoy niya ang kris na ginamit sa kanya ni Bantag.

Sambit niya na itinutok ni Bantag ang kris sa kanyang dibdib at medyo ibinaon.

“Dito sa dibdib binaon niya konti. Hindi ko nakayanan. Kung hinayaan ko yung pagsaksak niya dito hindi ko alam, ngayon patay na siguro ako. Ang ginawa ko lang hinawakan ko ang patalim. Tinapik ko. Sa galit niya dito niya sinaksak sa hita ko,” ayon kay Canete.

“Parang demonyo na, syempre lasing na,” dagdag niya.

Natakot naman si Usman nang lapitan ni Bantag.

“Bigla niya po hinawakan ang kamay ko tapos tinusok,” saad ni Usman na sinaksak naman sa kanang palad.

 “Nagsabi na siya sa akin na papatayin na kita tapos sabay tinusok niya. Tumagos po,” giit niya.

Sinabi ng mga ito na dinala sila at ginamot sa NBP Hospital at walang report na nangyari sa naturang insidente.

Sumunod na umaga, sinabi ng dalawa na nilapitan sila ni Zulueta at binigyan ng envelop na may lamang tig-P50,000.

“Ang sabi nila sa amin ‘’pag hindi ninyo tanggapin ito mas lalo kayong mamomroblema dito” saad ni Canete.

“Iniisip namin pamilya namin, palaya na rin ako kaya tiniis ko na lang. Pero wala kaming magagawa, no choice kami tinanggap na lang namin dalawa. Habang tinanggap ko P50,000 tumutulo luha ko,” tanda niya.

Ayon naman kay Catapang, matagal nang gustong magsalita nina Usman at Canete kaugnay sa sinapit nila kay Bantag.

 “Sabi nila ‘sir hindi kami makatulog dahil araw-araw nakikita ko sugat kong ganyan, wala naman hustisya” ayon kay Catapang.