November 17, 2024

2 BAGONG PRINTING MACHINES IPINASILIP  NG COMELEC

Ryan San Juan

Ininspeksyon nina Comelec Chairman George Garcia at Commissioner Ernesto Maceda Jr. ang dalawang HP printing machines na dala ng MIRU Systems Co. Ltd.

Ang nasabing mga printing machines ay gagamitin para sa pag-imprenta ng mga balota sa 2025 mid-term elections.

Ang unang printing machines ay idineliber noong Lunes Setyembre 16 habang ang isa pa ay nitong Setyembre 21 sa National Printing Office sa Quezon City.

Ayon kay Tony Paguirigan, Category Manager ng HP Pagewide Industrial, nasa halos isang milyong kopya ng balota ang kayang iimprenta ng dalawang makina kada araw.

Fully automated din ito kaya malaki rin ang mababawas pagdating sa kakailanganing personnel sa pag-iimprenta.

Bumilib naman si Comelec Chairperson George Erwin Garcia sa makina na kauna-unahang dinala sa Asya.

Ayon sa kanya, umaasa siyang magiging maganda rin ang performance nito oras na magsimula nang mag-imprenta.

Target ng Comelec na masimulan ang printing ng official ballots para sa 2025 elections sa Disyembre at sa tulong ng makina ay tatapusin ito hanggang sa Marso ng 2025.