May 6, 2024

15-anyos na tulak, 3 pa arestado sa droga

ARESTADO ang isang 15-anyos na binatilyo na tulak umano ng droga at tatlong iba pa sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga pulis sa Malabon City.

Ayon kay Malabon Police Chief Col. Jessie Tamayao, alas-1:30 ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Venchito Cerillo ang bust-bust operation laban sa 15-anyos na tulak at kasama nito na si Enrilita Malingin, 37, sa MH Del Pilar corner Inocencia St., Brgy. Tugatog, sa nabanggit na siyudad.

Agad dinamba ng mga operatiba ang mga suspek matapos tanggapin ang P500 markadong salapi mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang sachet ng shabu.

Kasama ring dinakip ng mga operatiba si Roberto Manuel, 34, at ang 17-anyos na binatilyo na kapwa umano umiiskor din ng shabu sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang siyam na plastic sachets na naglalaman ng 6 na gramo ng shabu na tinatayang nasa P40,800 ang halaga at buy-bust money.