Nadagdagan ng pito ang bilang ng mga bansa na kasalukuyang napapabilang sa Red List sa harap ng banta ng COVID-19 Omicron variant, pero hindi pa rin kasama rito ang Hong Kong na mayroon nang kumpirmadong “local case” ng mas nakakahawang variant na ito.
Ayon kay acting spokesperson Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, inaprubahan na ngayong araw ng Linggo ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagkakasama ng Austria, Czech Republic, Hungary, The Netherlands, Switzerland, Belgium at Italy sa Red List simula Nobyembre 28 hanggang Disyembre 15, 2021.
Bukod pa ang mga bansang ito sa South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini at Mozambique na nauna nang nailagay sa Red List category.
Ipinagbabawal muna sa ngayon ang hahat ng mga inbound international travel ng mga tao, anuman ang kanilang vaccination status, na magmumula o galing sa Red List countries/jurisdictions/territories sa nakalipas na 14 araw.
Tanging ang mga Pilipinong pabalik sa bansa sa pamamagitan ng government-initiated o non-government-initiated repatriation at Bayanihan Flighst ang papayagang makapasok sa Pilipinas pero sila ay subject sa entry, testing, at quarantine protocols para sa mga Red List countries.
Samantala, ang mga pasahero namang papunta na sa Pilipinas pero nanggaling sa Red List countries sa nakalipas na 14, na darating sa bansa bago mag alas-12:01 ng Nobyembre 30 ng madaling araw, ay papayagan pa rin namang makapasok.
Subalit kailangan silang sumailalim sa facility-based quarantine sa loob ng 14 araw, kung saan sa pang-pitong araw ay kailangan din nilang sumailalim sa testing.
Para sa mga kasalukuyang naka-quarantine na makalipas na dumating sa Pilipinas, sinabi ng IATF na kailangan nilang tapusin ang kanilang period of quarantine.
Sa kaso naman ng mga pasahero na dadaan lang sa mga bansang pasok sa Red List ay hindi ikokonsidera bilang nanggaling sa naturang mga bansa kung sila ay nanatili lamang sa airport sa maiksing oras.
Sa kabilang dako, inaprubahan naman din ng IATF ang temporary suspension ng testing at quarantine protocols para sa mga bansang pasok sa Green List simula ngayong araw hanggang Disyembre 15.
Para sa galing sa mga Yellow List, kailangan pa rin ang pagsasailalim sa testing at quarantine protocols.
Inaprubahan na rin ng IATF ngayong araw ang temporary suspension ng IATF Resolution No. 150-A (s.2021), na tumutukoy sa pagpapasok ng mga fully vaccinated nang foreign national mula sa mga non-visa required countries.
Dahil sa banta ng Omicron, na kinukonsidera nang variant of concern, kinalampag ng IATF ang mga local government units na palakasin pa lalo ang kanilang active case finding, case surveillance, at paggamit ng RT-PCR testing upang sa gayon ay maidaan sa whole-genome sequencing ang mga samples na makokolekta.
Inaatasan naman ang Regional Epidemiology and Surveillance Units ang pagkakaroon ng targeted selection ng mga samples, at pinaparesolba rin sa kanila ang bumababang bilang ng mga laboratoryo at rehiyon na nagsusumite ng datos.
Pinapatukoy din ng IATF sa Bureau of Quaratine, DILG at LGUs ang pagkakakilanlan at lokasyon ng mga pasahero na duamating sa nakalipas na 14 araw mula sa mga bansang pasok sa Red List.
Pinahahanda rin ang Department of Health sa posibleng pagtaas naman ng COVID-19 cases sa mga susunod na araw dahil sa Omicron variant.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY