October 23, 2024

12-anyos na dalagita ginawang sex slave ng step-father

Rehas na bakal ang kinasadlakan ng isang driver matapos maglakas loob ang 12-anyos na dalagita na isumbong sa kanyang ina ang ginagawang panghahalay sa kanya ng amain sa loob ng isang taon nang muli siyang gapangin noong Sabado ng umaga sa Navotas City.


Lumabas sa pagsisiyasat ng Navotas Police Women and Children Protection Desk (WCPD) na nagsimula ang kalbaryo ng biktimang Grade 7 student na itinago sa pangalang “Angel” sa kamay ng kanyang step-father na itinago sa lang sa alyas “Cardo”, 33-anyos noong Enero 1, 2021 na nangyayari sa loob mismo ng tinutulugan niyang silid ng kanilang tirahan sa Brgy. Tangos South.


Mula noon, kapag may pagkakataon ay ginagapang umano ng suspek ang anak ng kanyang kinakasama nang walang pinipiling oras, na labis nagdulot ng takot at sindak sa dalagita lalu na’t pinagbabantaan siya ng amain sa tuwing isasagawa ang panghahalay.


Nito lamang araw ng Sabado, Enero 15, 2022, dakong alas-10 ng umaga habang nakaidlip sa loob ng kanyang silid ang biktima, bigla siyang naalimpungatan nang maramdaman ang panghihipo sa maseselang bahagi ng kanyang katawan.


Nagtangkang pumalag ang biktima subalit muli siyang pinagbantaan ng amain na naging dahilan upang magtagumpay na muli ang kabuhungan ng suspek.

Linggo ng dakong alas-6 ng gabi nang mag lakas loob ang biktima na isumbong sa kanyang 30-anyos na ina ang dinaranas na kalbaryo sa kamay ng amain na naging dahilan upang madakip ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong Rape in relation to R.A.7610 o Child Abuse Law.