May 4, 2024

12-ANYOS HINALAY BAGO PINATAY NG ITINUTURING NA NINONG (Isinako, ibinaon sa lupa)

Kuha mula sa One Cavite/FB

KARUMAL-DUMAL ang sinapit ng isang 12-anyos na nene sa kamay ng kanyang itinuturing na ninong matapos umanong halinhinang halayin bago patayin sa Rosario, Cavite.

Una nang naiulat na nawawala ang biktimang si Louiza Alano Hillera, 12-anyos, ng Dreamland, Brgy. Muzon 2 sa nasabing bayan.

Matatandaan na dalawang araw na pinaghahanap ng pamilya at opisyal ng barangay ang naturang biktima pero hindi nila lubos akalain na malapit lang pala sa kanilang tahanan makikita na nakasako at ibinaon sa lupa ang bangkay ng biktima.

Ayon sa pamilya ng biktima, dakong alas-6:30 ng gabi noong Agosto 30 nang huling makitang buhay si Louiza na naliligo pa sa poso na malapit sa kanilang bahay kasama ang kanyang mga kaibigan hanggang sa hindi na ito nakauwi pa sa kanilang tahanan.

Umaga nitong Setyembre 1 nang matagpuan ang bangkay ng biktima na nakasilid sa sako na nakaluwa ang mata at labas ang dila patunay na pinahirapan muna ang suspek bago pinatay.

Ayon sa post ng One Cavite, ang pangunahing suspek sa karumal-dumal na krimen ay ang ninong ng biktima na si Erly Arguelles na kasalukuyang tinutugis ng pulisya.