January 12, 2025

11M COVID-19 Doses sa ‘Pinas Naiturok Na — Dizon


UMABOT sa 11 milyon coronavirus disease 2019 (COVID-19) doses ang naiturok na sa Pilipinas.

Sa Laging Handa public briefing ngayong araw, sinabi ni National Task Force against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vivencio “Vince” Dizon, naiturok na ang karagdagang isang milyong bakuna sa loob lamang ng apat na araw.

“Sa loob lamang po ng apat na araw mula Lunes hanggang kahapon, Huwebes, July 1, nakapag-jab po tayo ng isang milyong Pilipino.” “Dahil po diyan, 11 million na po ang ating jabs na na-administer sa ating mga kababayan.”


Ayon pa kay Dizon, ang naturang 1 milyong doses na naiturok sa loob ng apat na araw ay isang record-high.

Sa unang linggo ng vaccination drive noong Marso, mahigit sa 32,000 vaccine doses ang naiturok.


“Ito po ang pinakamabilis na na-jab natin simula noong tayo’y nag-launch ng ating vaccination program noong Marso at dahil po diyan, 11 million na po ang ating jabs na na-administer sa ating mga kababayan,” saad ni Dizon.

Tiniyak ni Dizon na mas marami pang Filipino ang mababakunahan sa mga darating na linggo dahil inaasahan na 13 milyong doses ang inaasahang darating sa Pilipinas ngayong Hulyo.