MATAGUMPAY na nailigtas ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang isang 78-anyos na negosyante na dinukot sa Quezon City noong Setyembre 2, 2025, habang 11 suspek ang naaresto.
Ayon sa imbestigasyon, hinoldap at dinukot ang biktima sa C-3 Road matapos magtrabaho.
Nag-demand ang mga kidnaper ng ₱150 milyon kapalit ng kalayaan ng biktima. Noong Setyembre 11, dinala ng mga suspek ang biktima sa isang bangko sa Quezon City upang mag-withdraw ng malaking halaga, ngunit dahil sa maagap na koordinasyon ng mga empleyado ng bangko at pulisya, agad itong nasagip at tatlong suspek ang nahuli.
Sunod-sunod na operasyon ang isinagawa ng PNP-AKG sa pangunguna ni P/Brigadier General Glicerio Cansilao (hepe ng AKG) na nagresulta sa pagkakaaresto ng walo pang suspek sa kanilang hide out sa Laurel, Batangas.
Kabilang sa mga nadakip ang tatlong dating miyembro ng Philippine Marines.
Pinuri ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang matagumpay na operasyon at kinumpirma na 23 kaso ng kidnapping ang naitala ngayong taon, kung saan 22 ang nalutas.
Giit niya, pera lamang ang motibo sa krimen at patuloy na tinutugis ang utak ng pagdukot at iba pang kasabwat.
Ang biktima, na kabilang sa isang kilalang pamilyang pang-industriya, ay nasa maayos na kalagayan ngunit inirekomendang sumailalim sa psychological counseling dahil sa dinanas na trauma. (KOI HIPOLITO)
