April 7, 2025

11 MIYEMBRO NG GABINETE DADALO SA SUSUNOD NA PAGDINIG SA SENADO

KINUMPIRMA ng Malacañang na dadalo ang ilang opisyal ng pamahalaan sa susunod na pagdinig ng Senado kaugnay sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

”Sa ngayon po ay according po sa office po ni ES as we speak, hindi pa po ako nabibigyan ng anumang detail kung nakatanggap na po sila ng invitation. Dapat sa invitation nakalagay po sana kung sino iyong mga tao na iimbitahan. Pero nagbigay na po ng listahan ang Office of the Executive Secretary iyong maaaring dumalo po sa nasabing hearing,” ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro.

Kabilang sa listahan sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, Chief State Counsel Dennis Arvin Chan, at Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo. Kabilang din sina Executive Director Alcantara ng Philippine Center on Transnational Crime, mga heneral ng PNP na sina Romel Francisco Marbil at Nicolas Torre, Department of Migrant Workers Secretary Hans Cacdac, Special Envoy Marcus Lacanilao, at mga opisyal ng SEC na sina Atty. R.J. Bernal at Atty. Ferdinand Lodgy Santiago.

Nang tanungin kung ang naging desisyon ng Palasyo ay nagpapahiwatig ng pagbabago sa polisiya, sumagot si Castro, “Kung nagkausapan po sila ni Senate President Chiz Escudero, binigyan din po natin ng pag-respeto ang kanyang hiling. Provided, of course, ito hindi naman din tatalakay sa executive privilege na mga issues.” Kinumpirma rin niyang ang mga dadalong opisyal ay “can still invoke executive privilege” habang sinasagot ang mga tanong.

Noong nakaraang linggo, hindi sumipot ang mga opisyal ng gobyerno sa pagdinig ng Senado na pinamunuan ni Senator Imee Marcos, na tumalakay sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte. Ginawa ang hearing noong Abril 3, ngunit kapansin-pansin ang kawalan ng mga miyembro ng Gabinete at matataas na opisyal, dahilan upang akusahan ng “total snub” ang ehekutibo at ipahayag ang pangamba sa usapin ng transparency at pananagutan.

Nauna nang ipinaalam ni Executive Secretary Lucas Bersamin kina Senator Marcos at Senate President Francis Escudero na hindi na dadalo ang mga miyembro ng Gabinete sa susunod na mga pagdinig, gamit ang executive privilege at sub judice rule bilang batayan. Ayon sa kanyang liham, nakapagbigay na ng sapat na impormasyon ang mga opisyal noong unang pagdinig noong Marso 20, at hindi na umano kinakailangan ang karagdagang partisipasyon.

Kinondena ni Senator Marcos ang kawalan ng mga opisyal, na tinawag itong tila pagtatangka na itago ang katotohanan. “Hidden truths are unspoken lies. And that seems to be what is happening now with the hiding of the truth using executive privilege and sub judice,” pahayag ni Marcos sa pagdinig. Ipinahayag din niya ang pagkadismaya sa mga magkakasalungat na pahayag mula sa Malacañang tungkol sa pagdalo ng mga opisyal, at kinuwestyon ang pagiging konsistente ng administrasyon sa isyung ito.

Nanawagan si Senator Ronald “Bato” dela Rosa, kaalyado ni Duterte, na maglabas ng subpoena upang pilitin ang mga pangunahing opisyal na dumalo, at binalaan ang posibilidad ng constitutional crisis kung patuloy na hindi kikilalanin ng ehekutibo ang awtoridad ng Senado. Gayunman, nagpakita ng pag-iingat si Senate President Escudero sa pag-isyu ng subpoena, dahil sa pangambang maaaring mauwi ito sa banggaan ng mga sangay ng pamahalaan.