December 25, 2024

1 patay, 2 sugatan sa pamamaril sa Malabon

DEDBOL ang isang hindi pa kilalang lalaki habang dalawa pa ang malubhang nasugatan matapos pagbabarilin ng nag-iisang suspek sa Malabon City, Miyerkules ng umaga.

Dead on the spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan ang biktima na nakasuot ng itim na t-shirt at puting short pants habang isinugod naman sa Tondo Medical Center kung saan nilalapatan ng lunas ang isang hindi pa kilalang babae na nakasuot ng itim na short pants at brown shirt sanhi rin ng tama ng bala sa katawan.

Sa Makatao Ospital naman isinugod para magamot ang tinamong tama ng bala sa katawan ang isa pang biktima na kinilala bilang si Alexis Gutierrez alyas “Uga”.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-5:00 ng umaga nang maganap ang insidente ng pamamaril ng suspek na kilala lang sa alyas “JR” sa No. 51, Basilio St., Brgy. Acacia, Malabon City

Sa pahayag sa pulisya ng mga residente sa lugar, nabulabog na lamang sila ng sunod-sunod na mga putok ng baril at nang lumabas sila sa kanilang mga bahay ay nakita nila ang mga duguang biktima na nakahandusay.

Kaagad nilang ipinaalam ang insidente sa mga opisyal ng Brgy. Acacia na sila namang tumawag ng ambulansya at agad isinugod ang dalawang sugatang biktima sa magkahiwalay na hospital.

Rumesponde naman kaagad sa lugar ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 2 at nagsagawa ng follow-up operation subalit, hindi nila naaresto ang suspek.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril sa mga biktima habang patuloy naman ang follow-up operation para maaresto ang suspek.