May 20, 2025

₱440M CASH, TINANGKANG IPUSLIT! 9 DAYUHAN, PAALISIN SA ‘PINAS

CEBU — Kakaharapin hindi lang ng kasong kriminal kundi pati deportation ang siyam na dayuhang nahuli kamakailan sa Mactan-Cebu International Airport matapos tangkaing magpasok ng mahigit ₱440 milyon na hindi idineklarang pera.

Ayon sa Bureau of Immigration (BI), nakatakdang sampahan ng deportation case ang grupo ng mga banyaga na dinakip ng Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP) noong nakaraang linggo.

Bukod sa posibleng kasong anti-money laundering at criminal charges, sasailalim din ang mga ito sa immigration proceedings dahil sa pagiging “undesirable aliens.”

Ang grupo ay binubuo ng pito umanong Chinese, isang Indonesian, at isang Kazakhstani.

Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, nakikipag-ugnayan na ang kanilang tanggapan sa PNP para beripikahin ang records at asikasuhin ang mga kinakailangang dokumento.

Tiniyak din ng BI na tuloy-tuloy ang pagtutok nila sa mga banyagang posibleng banta sa seguridad at interes ng bansa. (Ulat ni ARSENIO TAN)