TULUYAN nang bumaba sa pwesto si Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri bilang Senate President.
Ito mismo ang kinumpirma ni Zubiri, ngayong araw, Mayo 20, sa kanyang huling privilege speech bilang lider ng Senado.
Samantala, matapos magbigay ng valedictory speech ni Zubiri at magpasalamat sa kanyang mga kasamahan sa Senado, hinalal ni Senador Alan Peter Cayetano si Senador Francis “Chiz” Escudero bilang bagong pangulo ng Senado at wala namang tumutol dito.
Matapos nito ay kinumpirma din si Senador Escudero bilang bagong lider ng Senado.
Pinangunahan ni Senador Mark Villar ang panunumpa kay Escudero kasama ang kanyang maybahay na si Heart Evangelista.
Bukod naman kay dating Senate President Zubiri, nagbitiw na rin sa pwesto ang ilang mga senador kabilang sina dating Majority Leader Joel Villanueva, Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Nancy Binay bilang chairman ng Committee on Accounts, Tourism at Ethics, Sonny Angara bilang chairman ng Finance at Youth, at Senador JV Ejercito bilang Deputy Majority Leader.
Hindi naman lumagda si Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Sherwin Gatchalian para mapatalsik si Zubiri bilang lider ng Senado.
Labing apat naman na mga senador ang bumotong pabor upang maging Senate President si Senador Escudero.
Samantala, kanina rin sa plenaryo, nanumpa si Senador Jinggoy Estrada bilang bagong Senate President Pro Tempore at Senador Francis Tolentino bilang bagong Majority Floor Leader ng Senado.
Tiniyak naman ni Senador Escudero, bilang bagong Senate President ng bansa, na maipagmamalaki ang kanyang gagawing pamumuno sa Senado at kokonsultahin pa rin niya si Zubiri dahil mas malawak aniya ang karanasan nito sa pamumuno sa Senado.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA