November 23, 2024

‘YES SA WAR ON DRUGS, NO TO EJK’ – CONG. BARBERS

“Nanatiling hinahangaan ko ang War on Drugs ng nakaraang administrasyon at patuloy ko itong susuportahan, subalit mahigpit ko pa ring tinututulan ang Extra Judicial Killings,”  ang sagot ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers at Chairman ng House quad committee sa mga kritikong nagsasabi na bumaligtad siya.

Sa Kapihan sa Manila Bay, binigyang-diin ni Barbers na pinaninindigan niya ang kanyang suporta sa War on Drugs ng nakaraang administrasyon taliwas sa sinasabi ng mga kritiko na siya ay nagkaroon ng ibang pananaw ukol dito.

Ayon kay Barbers, malaki ang nagawa at naitulong ng “War on Drugs” sapagkat nailigtas nito ang libo-libong Pilipino na tuluyang malulong sa bisyo. Hinangaan din niya si dating Pangulong Duterte sa pagbubunyag ng mga narco-politicians at narco-police na may kaugnayan sa droga.

Aniya, hindi lamang siya pabor sa Extra-Judicial Killings sapagkat hindi na ito dumaan sa tamang proseso ng korte. At kung totoo man na marami ang nadamay na inosente para ipatupad ang EJK dahil sa quota system, ito ay hindi dapat naganap at pinahintulutan.

Sa pagdinig ng Quad Committee, ibinunyag nina dating PCSO GM Royina Garma at NAPOLCOM Commissioner Edilberto Leonardo ang mga rewards ng mga pulis na sangkot sa EJK sa panahon ng nakaraang administrasyon. Ang pagpatay sa mga pinaghihinalaang user, pusher at ano mang sangkot sa kalakaran ng illegal droga ay may kapalit umano na bayad.

Ani Barbers, mariin niyang tinututulan ang EJK mula pa nang magsimula ang War on Drugs ni dating Pangulong Duterte.

Binigyang-diin ni Barbers na mananatili siyang sumusuporta sa War on Drugs. (MP)