November 27, 2024

YAMAN NI GUO IIMBESITGAHAN NG BIR

PAPASOK na rin sa eksena ang Bureau of Internal Revenue (BIR) para busiin ang yaman ng suspendidong si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo upang malaman kung nababayad siya ng tamang buwis.

Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., isinilbi na ng mga awtoridad ang letter of authority kay Guo at iba pang indibidwal na konektado sa imbestigasyon nito.

Lumitaw sa imbestigasyon ng Senado na maraming ari-arian at malaki ang kinikita ni Guo sa kaniyang mga negosyo kaya iimbestigahan kung nagbabayad ba ito ng tamang buwis.

Kasama sa iimbestigahan ay kung tama ang buwis na ibinayad ni Guo sa pagbili ng helicopter at iba pang mamahaling sasakyan.

“Kung makikita na bayad iyong buwis ay walang dapat na ikabahala si mayor at iyong mga involved dito. Pero, again kung hindi bayad ang buwis niyan, magsasampa po tayo ng kasong tax evasion,” ayon kay Lumagui.

Tiniyak niya na bibigyan ng due process si Guo at sapat na panahon upang patunayan na nagbabayad siya ng buwis.

Sa kanyang pinakahuling Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), idineklara ni Guo ang P177.5 milyon na net worth. Mayroon siyang assets na nagkakahalaga ng P367 milyon at liabilities na mahigit P189 milyon nitong Disyembre 2023.

Mayroon si Guo na siyam na properties: anim sa Marilao, Bulacan, dalawa sa Bamban at isa sa Capaz, Tarlac. Binili niya ang mga ito sa halagang higit P20 milyon. Nakarehistro rin sa kanyang pangalan ang tatlong dump trucks na nagkakahalaga ng tig-P2 milyon bawat isa, gayundin ang P60 milyon na helicopter.

Gayunpaman, inihayag niya sa Senado na naibenta na niya noong nakaraang buwan ang helicopter.

Idineklara rin ni Guo na may mga piraso siya ng mga alahas na nagkakahalaga ng P1.5 milyon at P198 milyon sa bank deposits at hawak na cash.