December 27, 2024

World Immunization Week 2022:  “Long Life for All”

By Maria Eliza Pineda

Ipinagdiriwang ang World Immunization Week tuwing huling linggo ng Abril para magbigay-liwanag sa importansya ng bakuna at takdang pagbabakuna.

Ngayong taon, “Long Life for All” ang tema ng selebrasyon ng World Immunization Week. Isang pagpapaalala na ang bakuna ay hindi lamang para sa mga bata kundi para sa lahat. Isinusulong ng iba’t ibang organisasyong pangkalusugan sa buong mundo na magkaisa ang lahat para isulong ang edukasyon tungkol sa bakuna, tanggalin ang takot at pangamba dito, at tulungan ang mga tao na mabuhay ng mas matagal sa pamamagitan ng pagbibigay proteksyon laban sa mga sakit.

Matapos ang kasagsagan ng pandemya na dulot ng COVID-19, labis na bumaba ang dami ng mga batang nabakunahan. Makikita sa datos ng UNICEF na higit sa 23 milyong bata ang hindi nakakuha ng kanilang mga pangunahing bakuna mula noong 2020[1]. Nangangamba ang Philippine Foundation for Vaccination (PFV) na maaaring magkaroon ng biglaang pagtaas ng mga kaso ng tigdas, polio, at iba pang sakit na napipigilan ng bakuna kung patuloy na makakaligtaan ang routine immunization ng mga batang edad 1 hanggang 2 taong gulang.

Pinangunahan na ng takot ang mga magulang kaya hindi nila dinadala ang mga bata sa health center dahil baka mahawa ng COVID-19. Humuhupa na ang mga kaso ng COVID-19 pero hindi pa tumataas ang bilang mga mga batang nagpapabakuna laban sa 13 vaccine preventable diseases. Kailangang maintindihan ng mga magulang ang matinding epekto ng kawalan ng bakuna.  Nais bigyang pansin ng World Immunization Week hindi lang ang importansya ng bakuna, ngunit pati na rin ang mga isyu sa sistema ng Pilipinas na sanhi ng pagbaba ng bilang ng nagpapabakuna.

Takdang Pagbabakuna sa mga Bata ay Nakompromiso Dahil sa COVID-19

[Photo] Mula sa kaliwa, si Dr. Benito Atienza, Dr. Lulu Bravo, Dr. Enrique Tayag, Dr. Maria Cristina Ignacio-Alberto, at Dr. Maria Wilda Silva.

Sinabi ni Dr. Enrique Tayag, Direktor ng National Epidemiology Center ng Department of Health (DOH) ang mga pagsubok na hinaharap ng mga health workers kasunod ang naging epekto ng pandemya sa pagbaba ng dami ng bata at mga sanggol na nababakunahan sa Lay Panel Discussion ng Philippine Foundation for Vaccination (PFV) noong nakaraang Abril 21, 2022.

Ang ating mga bata ay hindi nadadala sa mga health centers, lalo na yung mga 0-2.” sabi ni Dr. Benito Atienza, Presidente ng Philippine Medical Association (PMA). “Kailangan natin i-engganyo ang mga magulang na dalhin ang mga bata… ngayon na ang cases natin sa COVID-19 ay mababa. Ito na ‘yung nararapat na [panahon] para dalhin sila sa health centers, pabakunahan at… [gawin] ang tinatawag na catch-up immunization”  Ang catch-up immunization ay para sa mga batang nakaligtaan ang mga pangunahing bakuna.

Sinabi din ni Dr. Maria Wilda Silva, Head ng National Immunization Program ng DOH na nagtaas ng alerto ang mga ospital para sa mga batang may lagnat dahil sa banta ng muling pagkalat ng mga sakit na tigdas, polio, at COVID-19.

Ipinaalala ni Dr. Lulu Bravo, executive director ng PFV na huwag umasa sa house-to-house na serbisyo at hinihikayat pa rin na dalhin ng mga magulang at tagapag-alaga ang mga bata sa health center para mabakunahan ng mas mabilis at para sa mas kumpletong serbisyo.

Solusyon Para Tumaas ang Bilang ng mga Magpapabakuna

Ibinahagi ni Dr. Silva ang dalawang salik na pinaniniwalaan niyang makakapagpataas ng dami ng magpapabakuna: edukasyon tungkol sa bakuna at kahandaan. Idinudulot ng maling impormasyon ang takot na nabubuo sa mga magulang. Ang pagaalinlangan ay nadadagdagan kapag nararanasan ng mga magulang na tanggihan ang kanilang mga anak dahil sa kakulangan ng supply ng bakuna o kaya naman ay kakulangan ng taong magbabakuna. Tamang edukasyon tungkol sa bakuna at paniniguro na mayroong sapat na supply ng bakuna at magbabakuna sa mga site ang magiimpluwensya sa dami ng nagpapabakuna.

Sabi ni Dr. Maria Cristina Ignacio-Alberto, pedyatrisyan at miyembro ng PFV na ang mga pribadong sektor daw ay gumagawa ng iba’t ibang paraan para maging mas-kombinyente ang proseso ng pagbabakuna gaya nalang ang pag-areglo ng mga drive-through bakuna sa parking lot.

Ipinaalam ni Dr. Tayag na ang bawat Huwebes at Biyernes sa huling linggo ng buwan ay nakatuon na para sa catch-up vaccination, ayon sa abiso na nilabas ng DOH.

Makinig at Gawing Prayoridad ang Magpabakuna, Pakiusap ng mga Eksperto

“Long life for all.” Inulit ni Dr. Tayag ang tema ngayong taon ng World Immunization Week at ipinaalala na ang bakuna ay hindi lang para sa bata ngunit para din sa mga madaling tamaan ng sakit gaya ng mga buntis at matatanda.

Ang bakuna po ay nakakapagligtas ng buhay. Sana po ay lahat ay pumunta sa ating mga doctor at mga health center para po makapagpabakuna tayong lahat.” binigyang-diin ni Dr. Ignacio-Alberto.

‘Pag mahal natin ang ating mga anak, gusto natin ay lumaki sila ng malusog, masaya, at walang sakit. Ang pagbabakuna ay ang pinakamabisang paraan para maiwasan ang mga nakamamatay na sakit.” sabi ni Dr. Silva. “Ang Department of Health ay nagbibigay ng libreng bakuna para sa ating mga anak na may edad 5 taon pababa [para sa catch-up immunization]  Pero sa routine immunization, ang gusto natin ay tamang bakuna sa takdang oras.

Ang Philippine Medical Association po ay binubuo ng mahigit 100,000 na mga doctor, kabilang po diyan ang ating mga eksperto sa bakuna. Sana po tayo ay maniwala sa ating mga eksperto. Ang PMA po ay nakikiisa sa WHO (World Health Organization) at sa DOH para sa pagpapaliwanag ng tamang pagbabakuna.” tiniyak ni Dr. Atienza.

Napakarami nating eksperto dito sa Pilipinas. Huwag po tayo maniwala sa mga nananakot. Magtanong po tayo sa mga eksperto. Marami po tayong organisasyong nagtutulong-tulong. Ituring nating mga bayani ang mga ito.” payo ni Dr. Bravo..

Nandiyan na po lahat ng impormasyon na kailangan niyong malaman. Napakahirap po sa bawat isa sa amin na magbigay ng paliwanag. Hindi po matatapos sa isang oras lamang sapagkat ang kaalaman sa pagbabakuna ay patuloy po. Ang isa lang pong kaalaman na dapat manatili sa atin: vaccination saves lives.” huling kataga ni Dr. Tayag.


[1] https://www.unicef.org/press-releases/covid-19-pandemic-leads-major-backsliding-childhood-vaccinations-new-who-unicef-data