Kinapitang muli ng Dallas Mavericks ang solidong laro nina Luka Doncic at Kyrie Irving upang sungkitin ang 3-0 serye matapos paluhurin ang Minnesota Timberwolves, 116-107, kanina sa Game 3 ng West finals.
Kumana sina Doncic at Irving ng tig-33 points.
Tinapos ng Mavs ang laro sa 14-3 blitz mula final 5 minutes.
Sa second quarter, malakas na tumama ang likod ng ulo ni Mavs rookie Dereck Lively II sa tuhod ni Timberwolves big man Karl-Anthony Towns habang nag-uunahan sa rebound. Nilabas ang reserve center at hindi na bumalik, nagsumite ng 6 points, 3 rebounds, 2 assists, 1 block.
Wala pang NBA team na umahon sa 3-0 deficit para agawin ang serye.
“Don’t even say it,” salag ni Doncic nang ipaalala na kumakatok na sa una niyang biyahe sa Finals. “But it feels great. But we’ve got to think about next game. They’re not going to go away. No way.”
Ang sinasabi niyang next game, ang Game 4, ay sa Miyerkoles (araw sa Manila) sa Dallas pa rin.
Umayuda si PJ Washington ng 16 points tampok ang pambasag-tablang 3 may 3:38 pa sa laro. Mula roon, nag-take over na sina co-stars Doncic at Irving.
Pasok ang tira ni Doncic sa lane, sinundan ng jumper ni Irving habang pabagsak na. Sunod ay sinubuan ni Doncic ng alley-oop dunk si Daniel Gafford para sa 113-105 lead 34 ticks na lang. Bago ang dakdak ay binutata ni Gafford si Mike Conley. Kinapos pa rin ang 26 points ni Anthony Edwards sa Wolves. Tumapos si Towns ng 14 pero walang ipinasok sa walong tres. (RON TOLENTINO)
More Stories
TRILLANES TUTURUAN NG LEKSYON NI DIGONG
CALINISAN BAGONG NAPOLCOM COMMISIONER
CATANDUANES, CAMARINES SUR SIGNAL NO. 5 KAY PEPITO