January 24, 2025

WISH NI RANOLA ET AL KAY SEN. BONG GO

BILANG puno ng Senate Committee on Sports, nananawagan ang ilang miyembro ng national team partikular sa larangan ng billiards kay Senator Bong Go na magpasa ng batas na tunay na kakalinga sa katulad nilang nakapagbigay na ng karangalan sa bansa pero sinipa sa pool nang gayon na lamang ng kanilang kinabibilangang national sports association (NSA) kahit na may ibubuga pa sila at ginawa ito sa panahong nasa krisis ang lahat.

Iyong batas na magmamalasakit sa kanila bilang seguridad at kalinga sa  kanilang mga nagsakripisyo para sa bayan tulad din ng mga sundalo, pulis, guro health workers at sa hanay nila bilang atleta.

Iyong mayroon silang karapatang magtanong bakit sila tinanggal  sa roster ng national team.

Iyong may pakialam na manghimasok ang gobyerno sa maling sistema ng kanilang NSA na ang katwiran ay pribadong sektor sila pero ang siste ay humihingi naman sila  ng ayuda sa pamahalaan.

 Labing- limang taong naglingkod sa bayan bilang national athlete sa larangan ng billiards.

 Si Iris Rañola  na isa sa pambato ng  Pilipinas sa larangan ay nakapag-ambag na rin ng mga karangalan sa kanyang pakikipagtunggali  sa international competitions tulad ng Southeast Asian Games.

Isa rin siyang masunuring atleta sa kanyang mga superyor sa NSA na BSCP.

Walang reklamo sa training, walang absent  at walang attitude problem.

Dedicated national player at ang laging motibasyon ay manalo ng medalya para sa bansa.

May ups and downs din sa kanyang performance kaya kahit na kampeon siya ay game siyang lumahok sa mga qualifying tournament upang patunayang kaya niyang magwagi sa international games  at deserving pa  sa kanyang slot sa national team .

Kaya sobrang sama ng kanyang loob nang karaka-raka ay tinanggal siya sa roster ng pambansang koponan kasama ang anim pang national pool players  nang ganun na lang at sinabing magkakaroon ng pagbabago.

Sinibak siya atbp. ng pamunuan ng BSCP sa panahong narito na ang PANDEMYA.

Magmula noon ay putol na ang kanilang allowance sa  Philippine Sports Commission – ahensiya ng gobyerno na kumakalinga sa national athletes.

Umapela si Iris kay Putch Puyat ng BSCP. Kahit paano ay may kinikilala siyang utang na loob sa naturang pinuno ng kanilang NSA kaya dinaan niya sa pakiusap na ire- consider ang kanilang desisyong sibakin sila sa panahon ng pandemya.

Pero aniya ay tengang – kawali  ang BSCP at tinuloy pa din ang masaker sa national team sa panahon ng krisis.

Ang siste ay wala namang nakahanay na kapalit nila at aniya ay handa siyang makipagtunggali sa mga mas batang nais humamon sa kanilang kakayahan  upang mapatunayang may ibubuga pa siya sa pambansang koponan.

Kung ganito kalupit ang mga pinuno ng NSA na BSCP na walang konsiderasyon ay dapat lang sila ang mawala sa pwesto at ipasa sa mas may dedikasyong mamuno , walang pulitika, hindi diktador at may patriotismo sa bayan.

Kahit di nila aminin ay  bayani na  ng bansa si Iris sa larangan ng sports kaya marapat lang na lumasap siya ng tratong may dangal at di iyong basta sisipain na lang .

Kaya nga humihingi sila ng saklolo sa PSC  at sa Philippine Olympic Committee at nagsumbong kay upang malaman  ang dinanas nilang anila ay injustice sa kanilang hanay.

Wish nina Rañola na makausap ng personal ang butihing Senador para maparating ang kanilang hinaing.

Kasama ni Rañola na tinanggal sa national team sina Floriza Andal – 9ball doubles,Benjie Guevara at Luis Saberdo sa English Billiards  at sina Basil Alshajar at  Michael Angelo Mengorio sa Snooker.Para sa reaksiyon  bukas ang korner na ito .Contact 09199845254 / email  [email protected].

Lowcut- Si Iris na nagpasalamat sa kanyang taga-suportang walang sawa na si Daniel ‘Kuya Boy’ Francisco ng SPARE & STRIKE sa abot ng makakaya ay nakapag-ambag ng  bronze noong 2009 Seagames, double GOLD noong 2011 Seag,bronze noong 2013 Seag,2017 -bronze,2nd place noong 2008 US Open 9-ball/Las Vegas  8-ball Masters CHAMPION at wagi rin noong2008-2010 Arizona State at Virgin Island Championships.

SARGO pa!!!