November 18, 2024

Wildlife trader arestado sa entrapment ops

SA kulungan ang bagsak ng isang lalaking sangkot sa ilegal na pagbebenta ng mga wild life species nang kumagat sa ikinasang entrapment operation ng pulisya sa Pasay City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Northern Maritime Police Station (MARPSTA) ng National Capital Region (NCR) chief P/Major John Stephanie Gammada ang naarestong suspek na si Michael Jhun Cortez, 25, ng No. 209 Road 4 Pilders 2, Brgy. 193 ng lungsod.

Sa imbestigasyon ni P/SMS Manny Vidal, isinagawa ang entrapment operation laban sa suspek dakong ala-1:11 ng hapon sa sangay ng Sogo Hotel sa 320 Int. EDSA, Rotunda, Brgy. 146 makaraang magawang makipag-transaksiyon ng isang undercover pulis ng P15,000 ng Red Ear Turtle sa suspek.

Nang tanggapin ng suspek ang markadong salapit mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng 30 piraso ng Red Ear Turtle ay agad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto siya ng mga ito.

Nakumpiska ng mga pulis sa suspek ang 30 pirasong Red Ear Turtle, 15 pirasong P1,000 pesos boodle money at Samsung S8 android phone.

Ayon kay Sgt. Vidal, kasong paglabag sa Sec. 27 o Trading of Wildlife and Possession of Wild Life Species sa ilalim ng RA 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act in relation to Sec. 6 of RA 10175 Cybercrime Prevention Act of 2012.