November 24, 2024

“WHITE SAND” PARA IWAS BASURA SA MANILA BAY – USEC ANTIPORDA

Pinagmamasdan ng mga tao habang naghahanda na ang mga manggagawa para sa 500-meter na kahabaan ng 190-kilometer coastline ng Manila Bay na tatabunan ng buhangin na gawa mula sa dinurog na dolomite na inilaan ng pamahalaan upang mapaganda ang tanawin at hikayatin ang publiko na protektahan ito. (Kuha ni NORMAN ARAGA)

DINIPENSAHAN ng Department of Environment and Natural Resources ang pagtambak ng synthetic white sand sa baywalk bilang bahagi ng Manila Bay rehabilatation.

Iginiit ni Environment Sec. Benny Antiporda ang naturang proyekto ay upang mag-alangan ang mga tao na magtapon ng basura sa nasabing lugar.

“If you will look at it, this is also a sort of awareness to all the people, na alam naman natin na ang tao kapag may kulay puti ay ayaw natin marumihan ito,” saad ni Antiporda sa Unang Balita ng GMA-7.

“Ito ay isang information campaign din nang malaman ng tao na kailangan na po natin pangalagaan ang ating Manila Bay na ‘wag na po natin itong dumihan,” dagdag niya.

Aniya na ang naturang hakbang ay bahagi P389-million Manila Bay beach nourishment project.

Iginiit din niya sa mga environmentalist at fisherfolk group na hindi pabor sa naturang proyekto na magsagawa muna ng pag-aaral bago magbigay ng kanilang opinyon.

Ayon kay Antiporda, ang naturang “white sand” ay gawa sa dinurog na dolomite, isang calcium magnesium carbonate, na galing Cebu na ibinayahe sa Maynila.

“In the first place, ang nilagay po diyan ay dolomite boulders na dinurog na talaga naman pong ginagamit ng resorts and beaches bilang white sand nila. Ang content po nito ay calcium carbonate na ganun din ang content ng sea coral. Kung kaya ‘wag po sila masyadong negatibo sa buhay,” aniya sa mga kritiko ng proyekto.

“Doon po sa mga nagsasabi na ‘yung mga tributaries ay hindi daw muna in-address, in-address po lahat ‘yan, lahat pati ‘yung rivers, creeks leading to Manila Bay, lahat ay in-address ‘yan ng ating regional offices,” dagdag pa ng opisyal.