December 24, 2024

Western Visayas nakapagtala ng 129 panibagong kaso, 1 namatay

INANUNSIYO ng Department of Health Development (DOH-CHD) 6 (Western Visayas) na nakapagtala sila ng 129 new cases ng coronavirus disease (COVID-19) at isa ang naiulat na namatay.

Ito ang pinakamataas na bilang ng kumpirmadong kaso sa loob ng isang araw sa rehiyon, ayon sa Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng DOH-6.

Umakyat na sa 1,373 ang kabuang kaso sa naturang rehiyon.

Sa naturang bilang, 656 ang aktibong kaso habang nasa 19 na ang napaulat na nasawi matapos pumanaw ang isang 75-anyos na lalaking pasyente sa Bacolod City.

Nabatid na dinala ang naturang pasyente sa ospital nang makumpirma na positibo ito sa sakit noong Hulyo 25.

Base sa Bulletin No. 127 na inilabas ng DOH-CHD 6, 32 naman ang gumaling kaya umakyat na sa 698 ang total recoveries sa rehiyon.

Nakuha ang mga datos mula sa 1,090 labarotory resulta na inilabas ng apat na labarotary centers sa rehiyon sa pamamagitan ng DOH-CHD 6.

Ang Bacolod City ang nangunguna sa may pinakamaraming tinamaan ng COVID-19 na may 74 kumpirmadong kaso; 24 sa Iloilo City; 17 sa Negros Occidental, 6 sa Iloilo province; 5 sa Capiz; at tatlo sa Guimaras.

Ayon pa sa datos, 72 na nakauwing overseas Filipino worker ang may pinakamaraming naitalang positibo sa virus, 26 mula sa locally stranded individuals, isa sa aturhorized person outside of residence (APOR) na galing sa Taguig City, at ang nalalabi ay mula sa local cases.