November 18, 2024

WELDER SA SLEX  ITINUMBA NG SEKYU SA LAGUNA

DEAD ON THE SPOT ang isang welder ng South Luzon Expressway (SLEX) matapos pagbabarilin ng nakaalitang Security Officer in Charge (OIC) ng Calamba Premiere  International Park (CPIP), habang nagpapahinga sa damuhang bahagi sa loob ng nasabing Expressway bandang 1:15 ng hapon noong Sabado sa Barangay Batino, Calamba City Laguna.

Ang biktima ay kinilalang si Ronald Santillan, 32 anyos, empleyado ng Archen Construction Group at residente ng Purok Uno Kaunlaran, Barangay Sta Elena ng Sto. Tomas City, Batangas, habang ang mga suspek ay nakilala lamang sa alias na si Demetrio, Officer in Charge ng Hunter Security Agency, residente ng Barangay San Pedro, Sto. Tomas City, Batangas at ang tauhan nito na si Alyas “Jun”, 32 anyos, Security at tubong Ginubatan Albay at kasalukuyang residente sa Calamba City, Laguna.

Base sa kuha ng video sa mobile phone ng biktima kasalukuyan umanong nagpahinga ang magkapatid na Ronald at Robert  kasama ang ilan nilang mga katrabaho sa loob ng South Luzon Expressway malapit sa tabi ng binabantayang lugar ng mga suspek ng sitahin sila ng mga ito at pinapaalis na nauwi sa mainitang pagtatalo ng magkabilang panig bago umalis ang suspek na si OIC Demetrio at makalipas ang ilan sandali ay bumalik ito dala ang isang di pa batid na kalibre ng baril saka pinaputukan ng sunod-sunod ang biktima na si Ronald na nagtamo ng tama ng bala sa katawan na dahilan ng agarang pagkamatay nito.

Mabilis naman tumakas ang suspek na OIC dala ang baril na ginamit sa krimen na dumaan sa Main Gate ng CPIP, habang mabilis namang inaresto ng mga rumespondeng pulis ng Calamba City Police Station ang tauhan ng suspek makaraang hayaan nitong makatakas sa ginawang pamamaril at pamamaslang ang kanyang opisyal.

Naglatag na ngayon ng follow up at manhunt operation ang mga awtoridad para madakip ang suspek na nahaharap ngayon sa patong patong na kaso kabilang ang Homicide. (KOI HIPOLITO)