November 3, 2024

‘Wattah Wattah’ Festival sa San Juan, tuloy

Tuloy ang pagdiriwang ng “Wattah Wattah” Festival sa Lungsod ng San Juan ngayong araw Hunyo 24,  sa ganap na 8:00 ng umaga. 

Ganun pa man kahit tuloy ang Wattah Wattah 2020 Festival ay may alituntunin na  ipinagbabawal ang tradisyunal na “basaan,” sabi ni Mayor Francis Zamora.

Nagpalabas ng kautusan si Mayor Zamora ng Executive Order No. 42 S. of 2020 na nagbabawal sa mga residente na magbasaan para maiwasan ang pagtitipon-tipon ng mga tao sa mga kalsada, na posibleng mauwi sa pagkalantad at hawahan ng virus.

Sa halip na basaan, ito’y magiging BasBasan sa Makabagong Sanjuan Wattah Wattah 2020, ibig-sabihin babasbasan ng ating kura paroko na si Monsignor Vic Bauson gamit ang banal na tubig ng imahe ni San Juan Bautista sa St. John the Baptist Parish para sa pag-ikot nito sa lahat ng ating barangay ay maipamahagi ng ating mahal na patron ang pagbabasbas din niya sa lahat ng mga mamamayan ng Sanjuañeno habang Ito ay ipinuprusisyon sa lungsod ang imahe ni San Juan Bautista,” paliwanag ng alkalde.

Kaya pinapayuhan ang mga residente na nais matunghayan ang pagdiriwang na manatili na lamang sa tapat ng kani-kanilang mga bahay, gate o bakuran at sumunod sa social distancing, at magsuot ng face mask o face shield.

Samantala sinabi din ni Zamora na bawal ang uminom ng alak ang mga Sanjuañeno sa labas ng kani-kanilang mga bakuran, sa halip ay pupuwede silang mag-inom ng alak sa kani-kanila na lang mga bahay.

Nabanggit din ng alkalde asa 25 na lang daw ang aktibo ng kaso ng COVID-19 sa San Juan, base sa pinakahuling tala nito mula noong Hunyo 8 at hanggang ngayong araw ay walang naitatalang bagong COVID-19 case sa lungsod ng San Juan.

“Kaya gagawin po nating lubos na maingat at mataimtim at makabuluhan ang ating pagdiriwang ngayong araw ng kapistahan ngayong taon bilang pasasalamat at patuloy na paghingi ng proteksyon sa Panginoon sa pamamagitan ng pagbabasbas sa buong lungsod,” pagwawakas ni Zamora. FELIX LABAN