KINUMPIRMA ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, Konsehal Atty. Bimbo Dela Cruz at P/Col. Allan Umipig na may warrant of arrest nang inilabas si Judge Marita Iris Laqui Genilo ng Metropolitan Trial Court Branch 109 para sa tatlong staff ng ACE Medical Center na unang kinasuhan ng illegal detention.
Sa fiscal resolution na may petsang Abril 23, nakita ng mga prosecutors ang probable cause para sa grave coercion sa ilalim ng Article 268 ng Revised Penal Code o ang Slight Illegal Detention na inihain ni Lovery Magtangob.
Habang hinihintay na ni Richel Alvaro, na nagsampa din ng kasong paglabag sa serious illegal detention, ang resolusyon sa piskalya.
Samantala, iniharap naman ni Mayor WES ang dalawa pang nagrereklamo laban sa naturang ospital.
Ayon sa mga biktimang sina Nerizza Zafra at Cheryluvic Ignacio, kapwa taga-Valenzuela City, napanood nila ang press conference ng “Palit-Ulo Scam” noong Abril 3 kaya nagpasya silang lumapit din kay Mayor Wes para iulat na ganoon din ang kanilang naranasan noong 2017 at 2021, respectively.
Sa kaso ni Zafra, nagsilang siya ng premature baby sa ACE Hospital noong Oktubre 2017, kaya nanatili sila ng kanyang anak sa ospital nang mahigit isang buwan.
Sa halos kalahating milyong hospital bills, nasa PhP 200,000 lang ang kanilang nabayaran at nang humihingi sila ng promissory note, iginiit ng staff ng ospital na hindi nila ito pinapayagan. Palibhasa’y walang magawa sa kanilang sitwasyon, humingi sila ng tulong sa Public Attorney’s Office na nagbigay ng demand letter sa ospital kaya pinayagan na silang mag-ina na umuwi. Dahil nabigong ganap na mabayaran ang natitirang bayarin, hindi nairehistro ng ospital ang birth certificate ng kanyang anak.
Sa kaso naman ni Ignacio, nagpositibo siya sa COVID-19 noong Oktubre 2021 at matapos matanggap ang discharge order noong ika-11 araw sa nasabing ospital, pinoproseso niya ang kanyang bill na umabot ng PhP 275,374.47.
Ayon kay Ignacio, hindi sinaklaw ng kanyang HMO ang lahat ng halaga kaya mayroon pa natirang balanse na PhP 150,372.00 subalit, hindi rin siya umano pinayagan ng hospital na makakuha ng promissory note kaya nanatili siya sa ospital at naghintay sa isang miyembro ng pamilya na nakumpleto ng quarantine sa pasilidad para tulungan siyang bayaran ang bayarin.
Noong Abril 15, sinamahan ni Mayor Gatchalian at Konsehal Atty. Dela Cruz sina Zafra at Ignacio para pormal na maghain ng reklamo respectively.
Ayon kay Mayor Wes, para maiwasan na muling maranasan ng Pamilyang Valenzuelano ang mga ganitong insidenteng, ang Konseho ng Lungsod ng Valenzuela ay nagpasa ng Ordinansa Blg. 1178, Serye ng 2024 na kilala rin bilang “Anti-Hospital Detention Ordinance.” (JUVY LUCERO)
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA