February 12, 2025

Wanted sa Valenzuela, nakorner sa Batangas

NADAKIP ng pulisya ang 32-anyos na construction worker na nahaharap sa mabigat na kaso sa korte ng Valenzuela City matapos matunton ng pulisya sa kanyang pinagtaguang lugar sa lalawigan ng Batangas.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, unang hinanting ng kanyang mga tauhan si alyas “Freddie” sa  kanyang tirahan sa San Jose Del Monte, Bulacan nang lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya para sa kasong paglabag sa R.A. 9262  o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act noong Hunyo 6, 2024 subalit hindi na siya natagpuan sa kanilang lugar.

Nang makatanggap sila ng impormasyon na lumipat na ng tirahan ang akusado sa Tanauan City sa Batangas, agad inutusan ni Col. Cayaban ang Station Intelligence Section (SIS) ng Valenzuela police para tugisin si alyas Freddie.

Armado ng warrant of arrest na inilabas ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Evangeline Mendoza Francisco ng Branch 270, dinakip ng mga tauhan ng SIS ang akusado alas-9:00 ng gabi sa harap ng Matsuform Link Inc. sa Brgy. Janopol Oriental, Tanauan City. Sinabi ni Col. Cayaban, walang piyansang inirekomenda ang korte para sa pansamantalang paglaya ng akusado bunga ng naranasang sobrang pagmamalupit niya sa biktima na naging dahilan upang dumanas ito ng paghihirap ng damdamin at labis na kahihiyan na nasa ilalim ng Section 5(h) at 5(i) ng R.A. 9262.