
ARAYAT, PAMPANGA — Natunton at naaresto ng mga operatiba ng Malabon City Police Station ang isang 33-anyos na drayber na sangkot umano sa panggagahasa sa isang menor-de-edad sa Malolos City, Bulacan.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Jim”, na nahuli sa kanyang pinagtataguan sa Palm Cabanas Resort sa Brgy. San Antonio, Arayat, dakong alas-3:15 ng hapon, sa bisa ng arrest warrant na inilabas noong Oktubre 30, 2024 ng Malolos City Family Court, Branch 4, sa ilalim ni Judge Francisco Macapagal Beley.
Si alyas Jim ay nahaharap sa dalawang bilang ng kasong Statutory Rape at walang piyansang inirekomenda.
Ayon kay P/Col. Jay Baybayan, hepe ng Malabon Police, nakipag-ugnayan ang kanilang mga tauhan sa Arayat Municipal Police upang masalakay ang kinaroroonan ng suspek, base sa nakalap nilang impormasyon mula sa Warrant and Subpoena Section.
Maayos namang naisilbi ang arrest warrant at binasahan ng karapatan si alyas Jim gamit ang Alternative Recording Device (ARD), alinsunod sa panuntunan ng PNP.
Kasalukuyang nakakulong si Jim sa custodial facility ng Malabon Police habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat niya sa Malolos City Jail.
Pinuri ni P/BGen. Josefino Ligan, District Director ng Northern Police District, ang matagumpay na operasyon at iginiit ang patuloy na pagsusumikap ng kanilang hanay para sa hustisya.
More Stories
No. 8 MOST WANTED SA PASIG, ARESTADO SA ISABELA!”
BITIN ANG BIDA! 2025 PBA All-STAR, KAKANSELAHIN NA
Scam Alert: DMW Binalaan ang OFWs sa Pekeng Pautang sa Facebook