May 17, 2025

Wanted sa Panggagahasa sa Menor-de-Edad sa Navotas, Kusang Sumuko sa Pulisya sa Caloocan

NAGPASYANG sumuko ang 32-anyos na akusado sa panghahalay sa isang menor-de-edad babae sa Navotas City nang matuklasang inilunsad na ang malawakang pagtugis sa kanya ng pulisya sa Caloocan City.

Nagtungo sa Bagong Barrio Police Sub-Station-5 na nasa kanto ng G. De Jesus St. at Malolos Avenue, Brgy. 146 sa Caloocan City ang akusadong si alyas “RJ”, dakong ala-1:32 ng hapon upang isuko ang kanyang sarili

Sa ulat ni Caloocan Police Chief P/Col. Paul Jady Doles kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen, Josefino Ligan, inilabas nitong Mayo 6, 2025 ni Navotas Family Court Presiding Judge Cecilia Bunagay-Parallag ng Branch 1 ang warrant of arrest laban kay RJ para sa kinakaharap na kasong Qualified Rape of a Minor.

Nang makarating sa kaalaman ng akusado na inilagay na siya ni Navotas Police Chief P/Col. Mario Cortes bilang isa sa Most Wanted Person sa lungsod ay minarapat na lamang nitong sumuko sa pulisya.


Pinuri naman ni BGen. Ligan ang mga tauhan ng Sub-Station-5 sa mabilis na pagproseso sa boluntaryong pagsuko ng akusado na pansamantala munang ipiniit sa naturang presinto ng pulisya habang hinihintay ang kautusan ng hukuman sa paglilipat sa kanya sa Navotas City Jail.