March 7, 2025

Wanted na ‘rapist’ na nagtago sa Mindoro, kalaboso

MAKALIPAS ang mahigit sampung taon pagtatago sa batas, nadakip na ang isang lalaki na wanted sa kaso ng panggagahasa sa Lungsod ng Valenzuela City nang matunton siya ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Mamburao. Occidental Mindoro.

Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban, nakatanggap sila ng impormasyon na nagtatago sa nasabing lugar ang akusadong si alyas “Jonathan”, 30, na kabilang sa mga Most Wanted Person sa lungsod kaya agad siyang bumuo ng team mula sa Warrant and Subpoena Section (WSS) at Station Intelligence Unit.

Nakipag-ugnayan si Col. Cayaban sa 402nd Maneuver Company-Regional Mobile Force Battalion (MC-RMFB), 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) at Mamburao Municipal Police Station sa Occidental Mindoro bilang koordinasyon sa gagawing pagdakip ng kanyang mga tauhan sa akusado.

Dakong alas-6:40 ng umaga nang madakip ng mga tauhan ni Col. Cayaban ang akusado sa tinitirhan niyang bahay sa GCFI Farm II, Brgy Tayamaan, Mamburao, Occidental Mindoro, makalipas magtago ng mahigit 10-taon makarang maharap sa kasong panggagahasa.

Maayos namang naisilbi sa akusado ang warrant of arrest na inilabas noong Enero 9, 2015 ni Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Branch 75, Presiding Judge Lilia Mercedes Encarnacion A. Gepty. Walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ni alyas Jonathan na pansamantalang ipiniit sa custodial facility ng Valenzuela Police Station habang hinihintay ang utos ng korte sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail.