ARESTADO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na wanted sa Seoul dahil sa pagkakasangkot sa telecommunications fraud at drug trafficking.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansigco ang nahuling pugante na si Sim Dongwoo, 43, na nadakip sa Buenavista, Marinduque noong nakaraang Martes ng mga operatiba ng BI-fugitive search unit (BI-FSU) sa pamumuno ni Rendel Sy.
Sinabi ni Tansingco na inaresto si Sim sa bisa ng warrant na inilabas nito alinsunod sa summary deportation order na ipinalabas ng BI board of commissioners laban sa Korean national mahigit tatlong taon na ang nakararaan.
“We will thus deport him immediately so he could face trial for the crimes he allegedly committed. He was already included in our blacklist and perpetually banned from re-entering the country,” sabi nito.
Sa impormasyon na ibinigay ng BI-Interpol, si Sim ay naging paksa ng Interpol red notice bago pa man mailabas ang isang warrant para sa pag-aresto sa kanya ng Seoul central district court noong Hulyo 2021.
Si Sim ay iniulat na sinampahan ng pandaraya sa harap ng nasabing korte dahil sa pagiging miyembro ng sindikato na nanloko sa mga biktima nito ng higit sa 58 milyong won, o humigit-kumulang sa US$44,000, sa pamamagitan ng voice phishing.
Ang mga suspek ay gumawa umano ng mga random na tawag sa mga biktima sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga financial advisors na nag-aalok ng mga gawa-gawang loan kapalit ng pagbabayad ng processing fees.
Gayundin, inakusahan din ng mga awtoridad si Sim at ang kanyang mga kasabwat ng naglalako rin ng iligal na droga sa pamamagitan ng pagpuslit mula Maynila patungo sa South Korea ng 200 gramo ng ilegal na methamphetamine drug na tinatawag na “Philopon” noong Setyembre ng nakaraang taon.
Ang sindikato ay hinihinalang may hawak ng kabuuang mahigit isang libong gramo ng methamphetamine sa limang magkakaibang okasyon mula Agosto hanggang Disyembre noong nakaraang taon.
Kasalukuyang nakadetine sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City si Sim habang inihahanda ang papeles para sa pagpapatapon dito pabalik ng Korea.
More Stories
DA NAGSAMPA NG KASO VS IMPORTER NG P20.8-M SMUGGLED NA SIBUYAS, CARROTS
Kampanya ng Filipinas sa 2025 AFC Women’s Futsal Asian Cup natapos na
OCCIDENTAL MINDORO INUGA NG 5.5 MAGNITUDE NA LINDOL