MALAPIT na ngang matapos ang tag-init ngayon taon, at sa awa naman ng Diyos ay hindi tayo nagkaroon ng problema sa supply ng tubig. Kung maaalala natin noong nakaraang taon ang nangyari sa east zone ng Metro Manila kung saan nagkaroon ng problema sa rasyon ng tubig. Pila ang balde at drum sa mga kalsada habang naghihintay ang mga tao kung saan kukuha ng tubig na kanilang panghugas ng pinggan, ipampapaligo, iinumin at iba pa.
Masasabi na nga natin na iyon na ang pinakamatinding krisis na naranasan sa Metro Manila. At iyan daw ay dahil sa kakulangan ng tubig-ulan, pagtaas ng demand, at pagkaantala ng mga imprastraktura.
Bumaba ang level ng tubig sa Angat Dam at Lamesa Dam dulot ng El Niño. Nagkaroon din ng pagkaantala sa pagtatayo ng mga bagong imprastraktura ng supply ng tubig. Binantaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang private concessionaires na sisilipin ang kanilang kontrata kung hindi bibigyan ng proteksyon ang mga consumer para sa pangunahing pangangailangan sa araw-araw na tubig. At pagkatapos magbanta ng pangulo ay naging maayos na ang supply ng tubig.
Wala na ngang naging aberya sa tubig ang Metro Manila ngayong tag-init at halos nagsisimula na rin bumuhos ang ulan nitong mga nakaraang araw. Isa rin sa mga nakikitang dahilan ng Metropolitan Waterworks and Sewage System (MWSS), kung bakit walang problema ngayong taon sa tubig ay dahil natapos na sa loob ng apat na taon ang Tunnel 4 mula sa Ipo Dam hanggang Barangay Bigte sa Norzaragay, Bulacan na nagkakahalaga ng P3.29 bilyon.
Ang 6.3 kilometrong Tunnel 4 ay may internal span diameter na apat na metro. Kalakip ng pagbabaon ng Tunnel 4 ang pagpapatatag sa istraktura ng Ipo Dam reservoir, panibagong transition basin sa Bigte sa Norzagaray, slope protection works o dike para hindi gumuho ang lupa sa Ipo Dam na posibleng magpababaw dito at tubo na nagdudugtong mula sa Aqueduct 5 papunta sa Tunnel 4 at pagdudugtong ng mga bagong transition basin para sa maayos na pagpapadaloy ng tubig sa mga tunnel nitong dam.
Kaugnay nito, sa pagsisimula ng operasyon ng Tunnel 4, ang karagdagang 19 cms na mahihigop na tubig mula sa Angat Dam patungo sa Ipo Dam ay pakikinabangan ng mga konsesyonaryo ng MWSS gaya ng 12 mga water districts sa lalawigan na naseserbisyuhan na ng Bulacan Bulk Water Supply Project. Gayundin ang mga water concessionaires na nagbibigay ng suplay ng tubig sa west at east zones ng Metro Manila. Katumbas ito ng may 1,600 milyong litro ng tubig kada araw.
Sa totoo lang nasa 75 taon na ang ilang bahagi ng buong water supply system ng Angat Dam, at malamang ay hindi na maganda ang kondisyon nito na pupuwedeng magkaroon ng problema o gumuho anumang oras kapag nagkaroon ng lindol.
Dahil kumpleto na ang Tunnel 4, maari ng simulan ng MWSS ang long-delays inspection sa buong sistema upang makita kung ano ang dapat ayusin at baguhin.
Nakikita na natin ang mga kapaki-pakinabang na epekto nito – dahil magbibigay ito ng karagdagang supply ng tubig, wala ng shortage, wala ng mahabang pila ng balde at drum sa kalsada, walang problema sa tubig ngayong tag-init.
More Stories
Hen. Antonio Luna, Dangal ng Lahing Pilipino
Ang Pagbabalik ni Hen. Douglas MacArthur
Ang Teleseryeng Pilipino Bilang Pagpapahalagang Moral