May 30, 2025

WALANG PALAKASAN SA 4Ps! – DSWD (Hindi raw politika ang batayan sa pagpili sa benepisyaryo)

MANILA – Tanging ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) lang ang may kapangyarihang tumukoy kung sino ang kwalipikadong mapasama sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps)—hindi ang mga pulitiko o sinumang kandidato na nanalo sa halalan.

Ito ang mariing iginiit ni Director Gemma Gabuya ng 4Ps National Program Management Office (4Ps-NPMO) matapos matanong ng isang netizen sa programang “4Ps Fastbreak” kung maaari na ba siyang mapasama sa programa ngayong nanalo na ang ibinoto niyang kandidato.

“Hindi-hindi po. Ang DSWD po ang nagpapatakbo ng programa at naka-base po ito sa batas—Republic Act No. 11310. Ibig sabihin, ang DSWD lamang ang mamimili kung sino ang makakapasok sa programa,” paliwanag ni Gabuya.

Hindi proteksyon, kundi batayan sa kahirapan ang tinitingnan ng ahensya. Paliwanag pa ni Gabuya, kailangang suriin muna ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa ilalim ng Community Based Monitoring System (CBMS) kung ang isang pamilya ay kabilang sa mga itinuturing na “mahirap.” Kapag nasama sa listahan, saka pa lang ito isusumite sa DSWD para sa karagdagang ebalwasyon.

“Mas maganda kung magtanong kayo sa inyong local social welfare and development office (LSWDO) kung kayo ay nailista sa CBMS,” dagdag niya.

Ayon pa sa opisyal, kwalipikado lamang ang mga pamilyang may anak na edad 0-18 taong gulang o may buntis na miyembro noong panahon ng pagsusuri.

Ipinunto rin ni Gabuya na kung may mga kandidatong nangakong isasama sa 4Ps ang sinumang botante, puwede itong ireklamo sa Commission on Elections (Comelec) upang humingi ng legal na payo.

Ang 4Ps ay nagbibigay ng cash grants sa higit 4 milyong mahihirap na pamilya upang masuportahan ang pag-aaral ng kanilang mga anak sa elementarya hanggang senior high school, pati na rin ang kalusugan at nutrisyon ng buong pamilya.

Walang shortcut, walang padrino. Tanging datos at batas ang sinusunod.