December 24, 2024

WALANG MASAMA KUNG WELCOME SA BANSA ANG MGA REFUGEES SA AFGHANISTAN AT ROHINGYA

Likas sa lahing Pilipino ang matulungin, mapagmahal, makatao at mapagkupkop. Gayunman, may ilang nagtaas ng kilay sa sinabi ni Pangulong Duterte.


Ito ay kaugnay sa mga refugees na Rohingyan sa bansang Bangladesh. Gayundin mula sa bandang Afghanistan. Kung saan sinabi ng Pangulo na welcome sila rito. Lalo na ang mga bata at mga kababaihan. Kaya nga, nag-utos ang Pangulo ng kinawatan upang sabihin sa United Nations ang tungkol dito.

Parang senaryo noon sa World War II at Vietnam War.


Noong dekada 30, kinupkop natin ang mga Hudyo na nakatakas sa holocaust. Ito’y nangyari noong nakaupo pa si Pangulong Manuel L. Quezon.


Noon namang dekada 60-70, winelcome noong nakaupo pa si Pangulong Ferdinand Marcos— ang mga refugees mula sa Vietnam.


May masama ba rito? Masama ba ang tumulong sa kapwa-tao? Banat ng ilan, tayo nga raw na mga Pilipino ay di mapangalagaan ng gobyerno, kukupkop pa ng iba?


‘Yan ay pahayag at sentimento ng mga makitid ang pag-iisip. Hindi ba’t dapat tayong matuwa dahil kahit ganyan tayo, makatutulong tayo? Bakit, sa Maynila lang ba sila ilalagay? HIndi ba pwedeng sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao?


Isang humanitarian advocacy ang gagawin ng bansa. Tanda ng ating pagmamahal sa kapwa. magkaiba man ng lahi. Bagama’t hindi tayo gaanong mayamang bansa, tumutulong tayo. Alam natin ang pakiramdam ng walang-wala at naiipit sa sitwasyon.


Balang araw, kapag nalagay naman ang mga kababayan natin sa ganyang sitwasyon, matutulungan din nila tayo. Kung ano ang ginawa mo sa kapwa, yun din ang babalik sa iyo. Kaya, dapat maging proud ka bilang isang lahing Pilipino!