Enero 28, 2021 – Matapos ang sunod-sunod na konsultasyon ng regional directors at field offices, itinatanggi ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang maling pahayag sa bilang ng dropouts sa basic education para sa Taong Panuruan 2020-2021.
Ayon sa DepEd, walang tiyak na indikasyon sa mataas na numero ng dropout kaugnay sa blended learning, base na rin sa pagsusuring isinagawa ng mga opisyal sa field.
“Sa aming lingguhang pagpupulong ng Executive-Management Committee, walang regional director ang nag-ulat ng nakababahalang detalye ukol sa dropout sa kanilang mga nasasakupan. Sinuportahan naman ito ng mga ulat at konsultasyon sa mga mag-aaral at kanilang mga magulang na isinagawa ng field offices,” ayon sa DepEd.
“Walang mag-aaral ang nag-drop-out sa kanilang mga paaralan, bagkus sila ay maaaring lumipat mula sa isang mode of learning patungo sa isa o mula sa isang lugar patungo sa iba. Na-obserbahan din na ang dahilan ng paglipat ng mga mag-aaral ay ang epektong ekonomikal dulot ng pandemya,” dagdag pa nito.
Ipinakikita rin ng mga numero na ang mga mag-aaral ay maaaring lumipat mula sa paaralang nasa siyudad patungo sa mga paaralang nasa probinsiya o mula sa pribado patungo sa pampublikong paaralan.
Nagdesisyon din ang ibang mag-aaral na sila ay lilipat mula sa modular patungong blended learning, kung saan maaari silang mag-TV, onlayn at radyo na maaring ma-access sa kanilang paaaralan.
Dagdag pa rito, na-obserbahan din na taon-taon ay natural na mabagal ang pagbalik ng mga mag-aaral matapos ang bakasyon ng paaralan at holiday season.
Patuloy rin na ipinatutupad ang panuntunan ng academic ease upang tulungan ang mga pamilya, mag-aaral at guro na mag-adjust sa distance learning set-up. Nagiging maluwag rin ang mga pampublikong paaralan sa pagpapasa ng mga activities ng mga mag-aaral.
Pinalawak din nila ang suporta sa mga programa kaugnay ng mental health at socio-emotional well-being. Sa lebel naman ng pamamahala sa DepEd, nakikipagtulungan din ito sa iba’t ibang authorities at external partners upang palakasin ang inisiyatibo sa pagtugon sa pandemya.
Dahil dito, pinaaalalahanan nila ang publiko na huwag bumuo ng konklusyon sa mga maling pahayag o sa isoldated cases.
Sa patuloy na pagsasagawa ng DepEd ng mga paraan para sa edukasyon ng mga batang Pilipino, umaasa silang tutulong ang publiko na hikayatin ang mga mag-aaral na ipagpatuloy ang kanilang edukasyon.
More Stories
Tulak, kalaboso sa pagbenta ng shabu sa pulis sa Malabon
Driver, arestado sa baril sa Malabon
80K NANAY MAKAKATANGGAP NG P350 MONTHLY SA ILALIM NG EXPANDED 4Ps – DSWD