April 29, 2025

‘Walang Kotong, Walang Stress!’ – Truckers, Solido Kay Mayor Lacuna

Manila Mayor Honey Lacuna at City Administrator Bernie Ang (nakaupo) kasama ang mga lider ng CTAP sa pangunguna ni Maria Zapanta, na nagpahayag ng suporta sa muling pagtakbo ni Lacuna. Ayon sa grupo, natigil lamang ang matagal nang kotongan laban sa kanila sa ilalim ng pamumuno ni Lacuna. Kasama rin sa larawan si MTPB chief Narciso Diokno III (ikalawa mula kaliwa). (ARSENIO TAN)

MANILA — Lalong tumibay ang kandidatura ni Manila Mayor Honey Lacuna sa kanyang pagtakbo para muling mahalal matapos siyang suportahan ng Confederation of Truckers Association of the Philippines, Inc. (CTAP), na binubuo ng higit 1,200 truck operators at may mahigit 12,000 operational units sa lungsod.

Sa isang pagtitipon ng CTAP leaders sa Century Seafood Restaurant, ipinahayag ng kanilang pangulo na si Maria Zapata ang buong suporta ng grupo kay Lacuna, dahil aniya, sa pamumuno lamang ng alkalde at sa tulong ni City Administrator Bernie Ang natigil ang matagal nang pananamantala at pangongotong ng ilang tiwaling opisyal, partikular sa hanay ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa ilalim ng nakaraang administrasyon.

Ayon kay Zapata, taon-taon ay sapilitang pinagbabayad ng ₱2,500 kada truck kada buwan ang mga miyembro ng CTAP upang makadaan sa ilang bahagi ng Maynila, habang ang mga hindi “enrolled” ay kinakaltasan ng hanggang ₱8,000 kada pasada. Ang masaklap, binabayaran umano ito sa pamamagitan ng G-Cash ng mga asawa ng traffic enforcers, na pawang kababaihan ang nakapangalan.

“Napakalaking ginhawa ang hatid ni Mayor Lacuna. Dati, halos lahat ng drivers namin stress—kotong dito, wrecker doon. Ngayon, tahimik at maayos na ang pasada,” ani Zapata.

Dagdag pa ni Zapata, agad umaksyon si Lacuna matapos silang marinig sa tulong nina Congressmen Joel Chua at Rolan Valeriano, at inilabas ang Executive Order No. 41 na nagbabawal sa “passing through fees”—isang hakbang na wala pang naging alkalde ng Maynila ang gumawa noon.

Bilang patunay ng determinasyon ng administrasyon laban sa katiwalian, sinabi ni Ang na wala nang dapat na traffic enforcer sa kalsada pagsapit ng alas-diyes ng gabi, dahil wala nang trapikong kailangang i-manage.

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Mayor Lacuna ang CTAP sa kanilang tiwala at suporta, at tiniyak na ipagpapatuloy ng kanyang pamahalaan ang pagsugpo sa katiwalian.

“Habang kami ay narito, mabubuhay at makakapagnegosyo kayo nang matiwasay sa Maynila,” ani Lacuna, sabay pasasalamat sa advance birthday song ng grupo para sa kanyang kaarawan sa Mayo 6.

Sa huli, mariing pahayag ni Zapata: “Wala na tayong ibang dapat iboto kundi si Mayor Lacuna. Sa kanya lang nawala ang kotong.” (ARSENIO TAN)