June 14, 2025

“Walang Kinalaman si PBBM sa ‘Deal’ nina Sara at Imee para Kay Digong!

MANILA — Nilinaw ng Malacañang na walang kinalaman si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa umano’y kasunduan sa pagitan ng Pangalawang Pangulo Sara Duterte at Senador Imee Marcos para maibalik sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang press briefing, tinanong si Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro kung ano ang posisyon ng Palasyo sa pahayag ni VP Sara na laging kasama niya si Senador Imee sa mga lakad dahil ito ang magdadala sa kanyang ama pabalik ng bansa.

Kasalukuyang nasa kustodiya ang dating pangulo sa International Criminal Court sa The Hague dahil sa mga paratang kaugnay ng kampanya laban sa iligal na droga noong kanyang administrasyon.

Ani Castro, “Ito ba iyong binanggit niya na hostage niya, si Senator Imee Marcos? Ang Pangulo ay walang partisipasyon sa kanilang naging kasunduan. The President is not privy to the contract or agreement between a user and a person willing to be used. Walang kinalaman ang Pangulo sa kontratang kanilang pinasukan, iyong isang tao na manggagamit at isang taong willing magpagamit.”

Nabatid na kasama ni Senador Imee si dating Pangulong Duterte sa kanyang personal na pagbisita sa Kuala Lumpur, Malaysia kung saan nanawagan siya ng suporta para kay Duterte sa isang pagtitipon kasama ang mga overseas Filipino workers.

Nilinaw ni Castro na ang Pangulo ay nais lamang magpokus sa kanyang mga tungkulin, lalo na’t may karagdagang isyu na kinakaharap tulad ng krisis sa kuryente sa lalawigan ng Siquijor.

“Ang nais lang po natin sana ay ang Pangulo po kasi ang sinabi niya ay tuloy-tuloy siya sa kanyang pagtatrabaho, focus sa trabaho. Nadagdag pa nga po ang problema dito sa Siquijor. At kung ang Bise Presidente lamang sana ay nakipag-usap sa kanyang kaibigan, baka hindi pa dumaan at dumating sa krisis na ito sa Siquijor,” dagdag ni Castro.

Ang Siquijor Island Power Cooperative (SIPCOR) na siyang nagpoprovide ng kuryente sa lalawigan ay pag-aari ng Villar Group of Companies.

Ipinahayag din ng Palasyo na sinusuportahan ni VP Sara ang senatorial bid ni Senator-elect Camille Villar sa nakaraang midterm elections, kahit na si Villar ay kabilang sa alyansang Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas ng administrasyon.

Patuloy ang pagsubaybay ng Malacañang sa mga isyung may kinalaman sa gobyerno habang pinapanatili ang pokus sa mga pangunahing programa at proyekto ng administrasyon.