November 23, 2024

WALANG 3RD TRANCHE SA SAP

WALA ng 3rd tranche ng SAP matapos ibalik sa mahigpit na ECQ ang Metro Manila, at iba pang lalawigan simula mamayang hating-gabi.

Ngayong balik MECQ na ang NCR at ilang kalapit-lalawigan tiyak marami na namang aalma na mga tsuper na nagsisimula pa lamang makapaghanap-buhay matapos ang ilang buwan na lockdown.

Ang nakalulungkot, hindi na raw kaya pang tugunan ang pangangailangan ng pobre nating kababayan dahil kapos na sa pondo ang pamahalaan.

E ang balita natin na halos umabot na raw sa P9.05 trilyon ang bansa? Anyare?!

Pero ang tanong ni Juan, lahat ba nakatanggap sa 1st at 2nd tranche ng SAP ng DSWD? Nagtatanong lang po.

SAYANG ANG PERA NA PINAMBILI NG BARRIER

Hindi na nga mamomroblema ang ating mga kababayan sa paglalagay ng barrier sa kanilang motorsiklo kasi nga bawal na ang angkas sa ilalim ng MECQ simula Agosto 4 hanggang 18.

Ang pinapayagan lamang bumiyahe ngayon ang company shuttle, personal na sasakyan, bisikleta, motorsiklo at e-scooter.

Sayang naman ang pera na ipinambili ng mga kababayan natin na imbes na ipinambili na lamang ng pagkain para sa kanilang pamilya ay napunta pa ito sa barrier para maiangkas ang kanilang asawa.

Ang talino ng nakaisip niyan, tsk!

FRONTLINER TUMAWAG NG TIMEOUT!

Humingi ng dalawang linggong “timeout” ang ating mga bayaning frontliner dahil pagod na pagod na sila sa paglaban sa coronavirus na sa kabila ng kanilang pagsisikap ay patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng tinamaan ng COVID-19 sa bansa.

Kumbaga sa basketball, tumatawag ang coach ng timeout para pagpahingahin ang kanyang mga player na pagod na sa paglalaro at upang makapag-isip ng panibagong estratehiya para taluning ang kabilang koponan.

Sa basketball din may mga tinatawag na buwaya na mga player na nagiging dahilang ng pagkatalo ng isang koponan.

Sa madaling salita, dapat palitan na ‘yung mga buwaya na opisyal ng pamahalaan na pabigat lamang sa paglaban sa COVID-19. Gets ninyo?

MGA KORAP NA OPISYAL SINUSUWERTE PA

Kung mayroon masaya ngayon sa pagbabalik sa MECQ sa Metro, ito’y walang iba kundi ang ilang mafia  este opisyal sa PhilHealth.

Bakit?! Hindi kasi matutuloy ang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa malawakang katiwalaan sa ahensiya dahil sa MECQ.

Dapat isama sa panulaka na bitayin hindi lamang ang  mga drug lord kundi maging ang mga korap na opisyal sa pamamagitan ng lethal injection. Panigurado, isa sa mga aalma ay ang PhilHealth. Mga pwe kayo!