November 24, 2024

Wala ng SAP sa 2021: Mga Pinoy pauutangin para magnegosyo


HINDI na makatatanggap ng tulong pinansiyal ang mahihirap na Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic dahil wala na sa plano ang pagpapatupad ng malawakang lockdown.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, walang inilaang pondo para sa SAP sa 2021 proposed national budget.

Maging sa Bayanihan 2 aniya ay wala nang tulong pinansiyal na ipamimigay bagkus ay tulong pangkabuhayan ang ibibigay para makapaghanapbuhay ang mamamayan.

“In other words, tapos na po ‘yung pagbibigay lamang ng ayuda dahil hindi na po natin plano na magkaroon ng malawakang lockdowns,” ani ni Roque.

Mas tutukan na ng pamahalaan ang patulong sa mga Filipino na makapagtrabaho at makapagsimula muli sa pamamagitan ng mga pautang para sa mga nais magnegosyo.

Ang istratehiya na aniya ng pamahalaan ngayon ay localized lockdown, at ang bagong kampanya ng gobyerno ay “Ingat Buhay Para sa Hanap Buhay.” Mas nakatutok na aniya ang pamahalaan sa pagpapahiram ng mga loan at pagtulong sa mga Pilipino, na makabalik sa hanapbuhay, at nariyan aniya ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Agriculture (DA) para dito.