November 2, 2024

Vulnerable sector ng domestic workers hindi sakop sa pagbuwag ng “KAFALA” sa Saudi Arabia



WELCOME sa Pilipinas ang pagbuwag sa “Kafala” sa Kingdom of Saudi Arabia na magpapaganda sa working relationship sa pagitan ng mga manggagawa at ng employer at magiging dahilan ng mas maayos na work environment para sa milyong-milyong expatriate workers sa bansa.

Bagama’t sa bagong labor initiative ng Saudi Ministry Human Resources and Social Development, nasa 250,000 hanggang 300,000 ng Filipino domestic workers o Household Service Workers ang hindi kabilang sa nasabing labor reform.

Hindi kasama sa nasabing labor reforms initiative ang limang propesyon, na naglalayong mapabuti ang ugnayan ng mga kontraktwal sa pagitan ng mga empleyado at employer sa pribadong sektor, ayon sa recruitment consultant at migration expert na si Emmanuel S. Geslani.

Kabilang sa mga propesyon na ito ay ang private driver, home guard, domestic workers, shepherd at gardener o farmer.

Sa ilalim ng bagong Labor Relation Initiative, papayagan na ng Saudi ang mga foreign workers na baguhin ang kanilang trabaho sa pamamagitan ng paglipat ng kanilang sponsorship mula sa isang employer patungo sa iba.

Maaari rin silang umalis at pumasok sa kanilang bansa, at makakuha ng final exit visas kahit walang consent mula sa kanilang employer.

Sa loob ng 35 taon magmula nang mag-deploy ang Pilipinas ng domestic workers sa mga bansa sa Middle East ay maraming kaso o halos nasa isa hanggang dalawang libo na reklamo taon-taon ang inihahain sa POLO offices at sa POEA na kinasasangkutan ng ating mga domestic workers at ng kanilang mga employer.

Marami ring HSWs ang nanatili sa “Bahay Kalinga” welfare offices na na tumakas mula sa kanilang employer at nag-aabang na mapa-repatriate habang hinihintay ang kanilang exit visa mula sa kanilang Arab employers.

Kahit na may umiiral na Special Labor Agreement na pinirmahan sa pagitan ng Pilipinas at Saudi Arabia sa pagtratro sa ating mga domestic workers, ang ilang sa kasunduang ito ay hindi nasusunod.