December 25, 2024

VP CAMP: DILG USEC DENSING ‘PABIGAT’ (‘Lugaw’ Leni non-essential?)


RUMESBAK ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa banat ni Department of Interior and Local Government (DILG) Usec. Epimaco Densing III tungkol sa debate kung “essential” o “non-essential” ba ang lugaw sa gitna ng mahigpit na quarantine sa Greater Manila Area.

Kung maaalala, nag-trending sa social media nitong Huwebes ang video ng isang barangay official sa Bulacan na nangharang ng magde-deliver ng inorder na lugaw.

Ayon sa Malacanang, “essential” o itinuturing na importanteng pagkain ang lugaw kaya maaari itong orderin, lalo na sa mga nasa lugar na may mahigpit na lockdown.

Sa isang panayam nagpaabot ng pahayag si Usec. Densing na tila sang-ayon sa sumitang barangay official.

“Tama ‘yung sinabi niya. Sinabi niya kasi, non-essential si lugaw. Hindi talaga essential si lugaw. Pero kung sinabi niya na essential ang lugaw, ‘yun tama ‘yun. Ang lugaw. Pero si lugaw ang binanggit niya. Non-essential talaga ‘yun sa paningin namin,” ani Densing sa interview ng One PH.

Matapos nito ay nilinaw ng opisyal na ang tinutukoy niyang “non-essential” na lugaw ay si VP Leni.

Kilalang banat ng mga panatiko ng administrasyon ang “lugaw” sa bise presidente, na opisyal mula sa oposisyon.

“Ano siya, pabiro ang delivery pero I’m serious in saying that she (Robredo) is a non-essential today,” ayon sa Interior official sa panayam ng GMA News Online.

“Wala siyang ginawa. Lahat ng sinasabi niya puro criticisms, unfounded, minsan magbibigay siya ng program pero nagawa na ng gobyerno.”

Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ng Office of the Vice President, sinasalamin ni Densing ang kapalpakan ng administrasyon sa pagtugon sa COVID-19.

“This guy (Densing) epitomizes the admin’s COVID-19 response. With cases rising, hospitals full, and millions struggling, instead of doing real work he makes ‘jokes,’ plays politics, and bashes someone who’s actually doing the job they’re supposed to,” ani Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ng Office of the Vice President. “Di lang ito ‘non-essential.’ Ito ay pabigat,” dagdag ng opisyal.