
MARIKINA CITY — Buong tapang na nanawagan si Marikina First District congressional bet Marcy Teodoro sa Commission on Elections (COMELEC): Iproklama n’yo na ako! Huwag hadlangan ang utos ng taumbayan!
Sa opisyal na bilang ng COMELEC-Marikina, 75,062 boto ang nakuha ni Teodoro laban sa 29,031 boto ni Koko Pimentel — isang landslide victory na malinaw daw na mensahe ng mga taga-Marikina.
Pero sa kabila ng matinding lamang, tila may bumabalandrang teknikalidad sa kanyang proklamasyon. Kaya ang sigaw ni Teodoro:
“Vox populi, vox Dei — ang tinig ng tao ay tinig ng Diyos!”
“Hindi ito simpleng panalo sa halalan. Ito ay malinaw na pagpapahayag ng kagustuhan ng taumbayan — at iyon ang dapat igalang, hindi balewalain,” giit niya.
Mariin din niyang binigyang-diin na sagrado ang boto ng bawat Pilipino at hindi ito dapat tapakan ng mga “teknikal na alegasyon” o “kutsabahang legal.”
“Libu-libong botante ang pumila, tiniis ang init, at tapat na bumoto. Hindi sila dapat ipagkait ng representasyon dahil lang sa mga isyu na wala namang malinaw na basehan,” ani Teodoro.
Dagdag pa niya, may malinaw na mandato ang taong-bayan, at hindi ito dapat lamangan ng mga palusot o pampulitikang maniobra.
“Hindi ako humihingi ng espesyal na trato. Ang hinihingi ko lang ay ang tama. Ang batas at ang taumbayan ay nagsalita na. Panahon nang iproklama ang tunay na nanalo,” pahayag ni Teodoro.
“Ang kapangyarihan ay hindi galing sa reklamo — kundi sa boto ng tao.”
Sa ngayon, wala pang pahayag ang kampo ni Pimentel o ang COMELEC kung kailan at kung bakit naantala ang proklamasyon ng bagong kongresista ng Marikina First District.
Abangan ang susunod na kabanata: Iproproklama ba si Marcy o may bagong drama sa likod ng entablado?
More Stories
PCCI sa Bagong Kongreso: Itulak ang Reporma Para sa Mas Malakas na Ekonomiya
PTFOMS naalarma sa panggigipit sa media sa 2025 mid-term elections
EcoWaste Coalition Nanguna sa Post-Election Clean-Up