December 27, 2024

Vote protection gustong tiyakin…
15 GOVERNOR
PINULONG
NI BONGBONG

MANDALUYONG CITY – Ilang buwan bago ang national elections, muling nagsagawa ng isa pang pagpupulong si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kasama ang mga provincial governor.

Naganap ang nasabing pagpupulong noong Linggo ng gabi sa campaign headquarters ng dating senador sa Mandaluyong City na dinaluhan ng 15 gobernador.

Kabilang sa mga dumalo ay sina Danilo Suarez ng Quezon, Rodito Albano ng Isabela, Hermilando Mandanas ng Batangas, Arthur Yap ng Bohol, Dax Cua ng Quirino, Susan Yap ng Tarlac, Jose Riano ng Romblon, Florencio Miraflores ng Aklan, Philip Tan ng Misamis Occidental, Eduardo Gadiano ng Mindoro Occidental, Alexander Pimentel ng Surigao del Sur, Bonifacio Lacwasan ng Mountain Province, Suharto Mangudadatu ng Sultan Kudarat, Bai Mariam Mangudadatu ng Maguindanao at dating  Gov. Jun Ynares III ng Rizal (kinatawan ni Gov. Rebecca Ynares).

Noong nakaraang linggo, nakipagpulong rin si Marcos sa 10 gobernador na suportado ang kanyang kandidatura sa pagka-pangulo.

Kabilang sa mga dumalo sa unang pagpupulong ay sina Governors Imelda Dimaporo ng Lanao del Norte; Francisco Emmanuel Ortega III, ng La Union; Nancy Catamco ng Cotabato; Esteban Evan Contreras ng Capiz; Damian Mercado ng Southern Leyte; Ferdinand Tubban ng Kalinga, Joy Bernos ng Abra, Jerry Dalipog ng Ifugao at Camiguin gubernatorial bet Rep. Xavier Jesus Romualdo.

Ayon kay Marcos, vote protection at priority programs sa kani-kanilang lalawigan ang tinalakay sa unang pakikipagpulong sa mga gobernador.

Naganap ang unang pagpupulong noong Abril 3 kasabay ng round 2 ng presidential debate ng COMELEC.

Hindi dumalo sa naganap na debate si Marcos.

“Vote protection, yun ang aming napagusapan para makatiyak tayo na maganda ang takbo ng halalan. Mabilang lahat ng boto at hindi magka-problema,” ani Marcos.

Sa isang press statement, inihayag ng kampo ni Marcos na 73 sa 81 governor sa bansa ang suportado ang presidential bid ng dating senador.

Binanggit dito ang nakaraang pahayag ni Narvacan mayor Chavit Singson na nagsisilbing presidente ng League of Municipalities of the Philippines.

“Yung sinabi ni Chavit (Singson) na almost 90 percent ng governors are already for Bongbong. Totoo yun. Right now we have a new President,” ani Quezon Governor Danilo Suarez na mababasa sa nasabing press statement.

“I don’t see any unprecedented event that can hamper the victory of Bongbong,” dagdag ni Suarez