May 1, 2025

Vote-Buying? Mga Kandidato sa Malabon, Sinampahan ng Disqualification Case sa COMELEC

MALABON CITY — Sinampahan ng kasong disqualification sa Commission on Elections (COMELEC) sina Antolin “Lenlen” Oreta III, tumatakbong kongresista ng lungsod; Lorenzo Oreta, kandidato sa konseho ng District 2; at Joey Sabaricos, konsehal na tumatakbo sa District 1, dahil sa umano’y insidente ng vote-buying at paglabag sa Section 89 ng Omnibus Election Code.

Ayon sa reklamo, noong Marso 28, 2025, sa isang political rally ng mga Oreta sa Gozon Compound, Letre, Brgy. Tonsuya, namahagi umano ang grupo ng mga brown bags na may lamang iba’t ibang street foods at tig-dalawang P100 sa mga dumalo—isang malinaw na paglabag sa batas kontra pagbili ng boto.

Sa hiwalay pang reklamo, muling sinampahan ang mga naturang kandidato ng paglabag sa Section 261 (a) in relation to Section 262 ng Omnibus Election Code, na naglalayong panagutin ang sinumang sangkot sa “vote-buying” at iba pang election offenses. (AIDA TAGUICANA)