IIMBESTIGAHAN ng Department of Health kung bakit hindi naipasok ng isang nurse ang laman ng bakuna sa tinurukan nito sa braso matapos makuhanan ng video na nag-viral sa social media.
Naganap ang insidente sa Makati City at dahil sa “pagkakamali” ng isang volunteer nurse na umamin sa kanyang nagawa.
Sa Malacañang press briefing, personal na humingi ng paunawa si Mayor Binay sa insidente na naganap noong June 25, 2021 na naitama din agad kinabukasan.
“We acknowledge the video. It was human error on the part of the volunteer nurse, that was immediately corrected. It happened June 25 and June 26 bumalik po siya sa aming tanggapan at ipinakita po ang video at nakita naman po na hindi nga siya nabakunahan kung kaya’t binigyan ho siya agad ng bakuna,” ani Mayor Binay.
Ipinaliwanag ng alkalde na mahigit isang taon nang nagsisilbi at lumalaban ang frontliners sa COVID pandemic kaya humihingi aniya ang city government ng konting pang-unawa at tiniyak na hindi na mauulit ang ganoong insidente.
“Maawa naman kayo sa nurse na nagkusang-loob na nag-volunteer ng kanyang oras para magsilbi sa ating mga kababayan. Tao lang po ang ating frontliners, napapagod, nagkakamali pero mahalaga po na itinama namin agad ang pagkakamaling ito at humihingi siya at kami ng patawad at nagbibigay kami ng assurance na hindi na po ito mangyayari muli,” dagdag ni Binay.
Nakiusap ang alkalde sa publiko at sa netizens na tigilan na ang pagbanat at pagbatikos sa nurse dahil humingi na rin naman ito ng dispensa sa kanyang pagkakamali.
Nakiusap din si Binay sa mga nagkakalat ng video na tigilan na ang ginagawa dahil hindi lamang ang Makati City ang sinisira kundi ang buong vaccination program ng gobyerno.
“Ang nakakalungkot dito, siyempre mag-eeleksiyon na next year at ang ibang nagkakalat ng video ay tuwang-tuwa sa nangyari at ginagamit itong paraan para siraan ako at siraan ang vaccination program ng Makati. Pero hindi nila nakikita na ang buong vaccination rollout ng Pilipinas ang maaapektuhan kung sisirain ang kredibilidad ng vaccination po natin,” wika ni Binay.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA