January 24, 2025

Volleybelle Rica Jane Rivera, nais ding maging trainer at coach ng volleyball

Sa isang biglaang panayam kay dating UST Lady Tigresses at ngayo’y Petron Blaze Spikers volleybelle Rica Jane Rivera, 22-anyos.

Napag-alaman na nais niya rin palang maging coach o magkaroon ng volleyball clinic 2 to 5 years from now. Sa gayun ay maibahagi niya ang kaalaman sa paglalaro ng volleyball, lalo na sa mga kabataan.

Sa panayam ng libangan at sports editor ng Agila ng Bayan, nahilig sa larong volleyball si Rica noong siya ay 10-anyos pa lamang, hanggang sa makapaglaro sa isang volleyball team sa isang paaralan sa Cebu sa University of San Jose-Recoletos.

Noong naglaro naman siya sa kolehiyo, ipinamalas ni Rica Jane ang kanyang husay sa paglalaro sa Golden Tigresses. Naglaro siya mula UAAP Season 77 Women’s Volleyball tournament ( rookie) hanggang Season 81.

Nakasabayan pa niyang maglaro sina CC Rondina, EJ Laure, Carmela Tunay, Pamela Lastimosa, Rhea Meneses at Dimdim Pacres. Noong nakaraang season ng UAAP, kasama si Rivera sa pumalaot na Lady Tigresses sa Finals kontra Ateneo Lady Eagles.

Kinuha rin ng Sta. Lucia Lady Realtors, isang team sa Philippine Superliga ( PSL), ang serbisyo ni Rivera bilang libero noong 2018, kapalit ni Johan Sabete na lumipat sa team ng Petro Gazz Angels ng  Philippine Volleyball League ( PVL).

Mula rito, naglaro siya sa PSL Invitational Cup 2019. Ngayon naman, kinuha siya ng Petron Blaze Spikers.

Dahil sa maganda, nang tanungin kung sakaling payag ba siyang pumasok sa showbiz, sinabi ni Rica Jane na wala siyang interes na pasukin ito. Kundi, ayos na sa kanya ang maging modelo.