March 14, 2025

Vlogger at trolls na nagpapakalat ng fake news hahabulin ng NBI… ROQUE KAKASUHAN MATAPOS MANAWAGAN NG ‘PEOPLE POWER’

POSIBLENG maharap si dating Presidential Spokesperson Harry Roque sa kasong inciting to sedition matapos itong mag-post para manawagan ng ‘people power.’
“Hindi makakatulong sa bansa ang pagtatawag ng marahas na kilos… hindi naman siya lider,” ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime.

Hinamon niya rin si Roque na kung talagang matapang siya ay huwag siyang magtago at harapin nito ang kaso niya rito sa Pilipinas.

Sinabi rin ni Santiago na kakasuhan din ng NBI ang mga vloggers at trolls na nasa likod ng pagpapakalat ng fake news sa social media at ibang online sites.

Napag-alaman na inatasan ni Santiago ang NBI cybercrime unit para alamin ang pagkakilanlan ng mga trolls at vloggers na nagpapakalat ng pekeng impormasyon.

Ayon pa sa NBI chief, hindi dahilan ang freedom of speech at freedom of expression, para lumikha ng mga gawa-gawang istorya.

Tiniyak ni Santiago na ihahain ang complaints sa Department of Justice (DOJ) laban sa mga vlogger at trolls, kabilang ang mga nakabase sa abroad na maaring i-request sa gobyerno na ipa-deport.

Isasampa ang mga kaso depende sa resulta ng imbestigasyon ng DOJ sa posibleng paglabag sa anti-cybercrime law o inciting to sedition.