January 26, 2025

Villar: Wetland Park Mahalaga Bilang Bird Sanctuary


MULING iginiit ni Senadora Cynthia Villar ang kahalagahan ng wetlands o latian  sa pagbibigay ng wildlife habitats, kabilang ang santuwaryo ng mga migratory bird.

Sa paggunita ng World Migratory Bird Day, sinabi ni Villar na ang Las Pinas-Paranaque Wetland Park (LPWP) na nasa timog ng Manila Bay ang nagsisilbing  pahingahan  at feeding grounds ng migratory birds mula sa Japan, China at  Siberia.

“Wetlands have a unique characteristic and serve a lot of functions that is why these areas are protected and preserved,” ayon kay Villar. 

Iniakda ni Villar, chairperson ng Committee on Environment and Natural Resources, ang Republic Act 11038 o ang Expanded National Integrated Protected Areas Act o E-NIPAS Act, kung saan nakalista bilang protected area ang Las Pinas-Paranaque Wetland Park.

Nagsisilbing santuwaryo ang 175- hectare nature reserve park sa 82 uri ng wild bird ns kinabibilangan ng Philippine ducks, Chinese egret at Black-winged stilts.

Meron itong 36 ektarya ng mangrove forest, ang pinakamakapal at iba-ibang natitirang mangrove areas sa Manila Bay. Sa kasalukuyan, may 11 uri ng mangrove o bakawan  ang tumutubo sa naturang lugar. 

Ito rin ang lugar ng paitlugan ng mga isda sa Manila Bay na sumusuporta sa pangkabuhayan ng mahigit 300,000 mangingisda.

Kinilala ng  Ramsar Convention ang global imlortance ng Las Pinas-Paranaque Wetland Park’s biodiversity kaya idineklara itong Wetland of International Importance kasama ang anim pang lugar sa Pilipinas. 

Ang mga ito ay ang sumusunod: 1.Puerto Princesa Subterranean River National Park sa Palawan; 2. Tubbataha Reefs National Marine Park sa Sulu; 3.  Agusan Marsh Wildlife Sanctuary sa Agusan del Sur; 4. Naujan Lake National Park sa Oriental Mindoro; 5.  Olango Island Wildlife Sanctuary sa Cebu at 6. Negros Occidental Coastal Wetlands Conservation Area in Negros Occidental.

Binigyan-diin ni Villar ang pagmimintina sa Las Pinas-Paranaque Wetland Park sa kabila ng planong reklamasyon sa Manila Bay.

 “There are reclamation projects that plan to build on the buffer zones of the park. We are vigorously opposing this because buffer zones should not be touched in order to preserve the landscape where the wetland now thrives,” sabi ni Villar.

Tinutulan din ng senador ang balak ng Bacoor at Paranaque local government na i-reclaim ang 320 hectares and 287 hectares, ayon sa pagkakasunud-sunod sa Manila Bay na buffer zone ng Las Pinas-Paranaque Wetland Park.

Ipinagdiriwang ang World Migratory Bird Day dalawang beses sa  taong ito —May 9 at October 10.  May temang “Birds Connect Our World,” layunin ng pagdiriwang sa taong ito na itampok ang kahalagahan ng pagpapanatili at pagbabalik “ecological connectivity at integrity ng ecosystems” na sumusuporta sa natural na paggalaw ng migratory birds.